Insomniya ng Paggawa: Review of We Do Not Sleep: The Insomniacs


Konsepto at Direksyon: Pat Valera at BJ Crisostomo
Itinanghal ng TAYO sa Dance Forum, West Avenue, Quezon City

It is three in the morning. You cannot sleep. You are bothered by the fact that almost seven billion people exist now. Just now, a thousand more are being born. In China, if you are one in a million, there are at least a thousand of you. You cannot sleep. You cannot dream— just go. No stops. It is three in the morning. Maybe you can take a power nap but after minutes, you wake up. Your heart doesn’t stop. You work hard. God knows you do. You know that he knows. You follow instructions, obey the rules. In five years, another billion of his sons and daughters. Less space. The MRT will be more congested… be paper in five years? … what is to come. Eyes open… return. They run. You… you to take a shower… the entire night. You have… not the… anyone else must not be sleeping… Fuck… init. Putang inang… okay lang ako. Ten… blah… eleven…show ka…blah blah blah. Four… putang inang traffic. Six. Seven. Eight. Click click. One. Two. Three in the morning you cannot sleep.

-Mula sa Sinopsis-

Umapaw sa baligho at ekspirementasyong birtwal ang dula, bagay lamang para sa isang henerasyon ng kabataang manunuod ng piling klase ng munisipalidad: mga kabataang adik sa facebook, Friendster, text o Hunger Games kaya at panaginip na mainit na yakap at halik. Sa palagay ko’y may pinipili itong manunuod liban na lamang kung may sapat na babala para halimbawa sa mga kabataang hindi pa naman masyado o ganap nang nasalaula ng konsumerismo at nakatutuliling melodramang telenobela (mayroon pa rin naming kabataang pag-asa ng bayan): BABALA Magpakumbabaw sa isang ipo-ipong* kung hindi ka marunong makipaglaro ay mahihilo ka.

Dahil sa maraming nagaganap at maraming sinasabi sa isang iglap ang bawat eksena, talagang pag-uuspan mo ang dula matapos panoorin upang makipaghuntahan sa kapwa tagapanuod sa pag-asang maaangkin mo rin ang inabot ng unawa ng bawat isa. Sa bandang huli, mapapalagay ka na sa katotohanang maging ang mga nagsitanghal nito ay natuliro sa kalagitnaan. Nakatulog naman agad ako kagabi at tulog-mantika pa nga matapos ang palabas hindi gaya ng maraming gabing mamamatay ka na sa antok ay di ka pa rin makatulog.

Gutom? Naghahanap ng kakwentuhan? Kulang ang kwenta? Nangangati? Hindi na nakakarinig? Hindi pa naka-iskor? Hindi makapokus? Libog na libog na? Walang reply? Nakalimot na? Gusto mo pang bumawi? Wala nang sagot dahil hindi na nagsulat ang may-akda? Hello? Hello? Hell—ow! Wall ba ang kausap ko?

Hindi ka na nakatulog at dahil hindi ka nakatulog ay hindi ka na nagkaroon ng pagkakataong, managinip o mangarap. Sinasabing libre ang mangarap pero maging ito ay hindi mo natatamasa. Ito’y magandang punto ng dula.

Ang malaking kalakasan nito ay ang paglahad ng wari-warong epekto sa isip at gawi ng isang tao gawa ng sanlibong dahilang sinusubo ng kasalukuyang kaayusan ng buhay. Hindi maikakailang pinaghaharian tayo ng globalisasyon, ang Pilipinas ay merkado ng dayuhang kapital, ang Pilipino ay produkto nito at ang ating isip at gawi ay kailangang sumang-ayon dito kung ayaw mong maiwanan. Mabilis ang takbo ng orasan kaya kailangang makipaghabulan. Mabagal ang takbo ng orasan kaya kailangan mong makibuntong-hininga na lamang. Ang resulta’y isang schizo na nagpupumilit makipaggitgitan sa kagubatan ng kilikili* ng mga amoy-mayaman at amoy-anakpawis. Hindi bago ang sakit na ito sapagkat dumapo na ito sa atin nang inangkin tayo ng mga Kastila at Amerikano. Makalipas ang ilang daang taon, hindi nakapagtatakang mahusay ang Pilipino sa pagdodoble-kara at pagharap sa mga parikala.

May pakialam ba sa’yo ang ibang tao sa paligid mo? Ikaw lang ang nakakaalam ngunit ang malinaw sa’yo, may kanya-kanya kayong pinagkakaabalahang mundo ng makaisang-panig na kaligayahan mula lihim na pakiramdam hanggang hayag na pangarap: nadidikta ito ng Hunger Games Trilogy, Facebook at online dating o kaya’y ng katandaan ng pagsasama; ng mga bagay na simple at likas gaya ng himig na handog ng dalampasigan sa magsing-irog; ng mga aklat na ikaw at ang alikabok na lamang ang nagbabasa, at mga alaala at ilang bagaybagay na masarap balikbalikan, etc. etc.

Sa araw-araw na lamang na ginawa ng Diyos, tanggap mong ang kompyuter lamang ang nagbibigay ng pinakamataas na ekspresyon ng kaalaman at karanasan ng tao at dahil sa kanya’y naeengganyo kang manatiling gising maghapon-magdamag ikaw man ay isang estudyante, abogado, mangingibig, introvert, nerd, henyo, aktibista, gurang, pro-life, emo, reaksyunaryo, pilyo o seryosong animal. Nakakapagod ang buhay ngunit nagkakaroon ito ng saysay salamat sa koneksyong handog ng kompyuter. At tuloy, kahit papano, kahit wari-waro ka, may nalalaman ka naman at may nasasabi ka kahit katiting hinggil sa debate ng climate change, RH Bill, kontraktwalisasyon at maging sa relasyon kahit wala ka nito sa totoong buhay.

Bagamat matuturing na buhay ang mga karakter na ito sa loob at labas ng mundong birtwal. Sa kabilang banda, naisantabi naman ng dula ang isang napakahalagang karakter na sa tingin ko’y dapat nasabuyan ng ilaw sa isang dulang tumatalakay sa epekto ng kapitalismo: ang mga kabataang manggagawa na inisomnya ng paggawa. Ang ganitong tipo ng insomnya ay pagsawalang-bahala sa mismong pinakaesensya ng ating pagkatao ayon nga kay Marx.

Hindi ba’t ang mga ahente ng call center ay dilat na dilat ang bibig at tenga sa patay na oras mula ala-singko ng hapon hanggang alas-dos ng umaga o kaya’y sa isa pang abnormal na gising mula kalahating-gabi hanggang alas-nuwebe ng umaga kung kailan may araw sa Amerika at sa iba pang kontinente? Ang mga food chain crew, serbedora, bellboy at mga barista ay kumekembot pa rin kahit tapos na ang kanilang otso oras. Charity daw ayon sa kanilang manager. Chumacharity sila hanggang sa tuluyang bitawan ang pag-aaral kapalit ng overtime-with-no-pay.

Ang mga manggagawa ng bakal ay nagluluto’t nagtutunaw ng metal mula ala-sais ng gabi hanggang ala-sais ng umaga habang ang mga mason at mga batang tatay sa konstruksyon ay nakikipagsayaw sa bingit ng gondola bago maabutan ng nakakapasong halik ng araw o kaya’y habulin kaya ng sangdaang halik ng ulan.

Sa paktorya sa Cavite, Laguna at Batangas, hindi kinikilala ng mga makina ang kape at CR at kahit ang agahan, tanghalian at maging ng hapunan ay kailangan pang humiyaw. Teka, bawal pala ang humiyaw.

At ang aantok-antok.

Pag-uwi sa bahay, mahirap maibsan ang latang-latang puso’t katawan dahil ang kapatid, anak o asawa ay namomoblema sa pera: tuition, libro, gamot, pagkain, pamasahe, tubig, kuryente,… pang-date, pang-swimming, pangnood ng sine o kaya’y pangnood ng dula gaya ng Insomnia.

Hindi naipakita sa dula ang mga karakter na ito na sa tingin ko’y mahirap kalimutan sa temang dala-dala nito.

Sa huli, nagbigay ng impresyon ang palabas kung gaano kasarap magbigti o kaya’y tumalon sa bilding o kaya’y pasuin ng kandila ang titi o kaya’y magpakuryente sa socket ng bungo ng kompyuter!

Natakot akong imbes na ibangon ng mga mandudula ay ibayo pang kutyain ang pagkatao ng mga karakter o kaya’y patayin silang buhay pa’y patay na. Palakpak naman at naisalba sila ng limot na bagay gaya ng pag-ibig na bagamat di perpekto ay pag-ibig pa ring matamis.#

*mula sa “ipo-ipo school of drama”, ekspresyon ni Prof. Tony Mabesa

*mula sa “kagubatan ng kilikili ang MRT/LRT“ ni Roy Cagalingan

Curtain Call


Advertisements

About Joanna Lerio

cultural journalist, multidisciplinary artist, educator, traveller, dreamer, yogini, vegetarian, advocate Facebook.com/JoannaLerioOfficial Youtube.com/juanalily Juanalily.wordpress.com/ Juanalilytravels.dreamtrips.com/refer Twitter.com/JoannaLerio Facebook.com/linanganng.kulturangpilipino Artistswelfare.org/join-us/
This entry was posted in Rebyu, Teatro and tagged , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s