Panunuring Pampanitikan: Pagmumuni-muni ng Ikatlong Inang Laya


Unang Araw sa Panunuring Pampanitikan ng Pilipinas                                        Klase ni Dr. Teresita Maceda

Noong nilisan ang Maynila at naglalakadlakad, hindi ko mawari kung bakit bakasyon na bakasyon ay panitikan pa rin ang nasa isip ko. Kunsabagay, panitikan ang bumubuhay sa akin. Kunsabagay, panitikan ang bumubuhay sa isang bayan at sa pamamagitan ng pagsulat, nabubuhay muli ng imahinasyon ang isang bayan. Napakaraming kailangang isulat. Kung manunulat ka, hindi ka dapat nauubusan ng tinta. Kahit sinisikil. Maraming mga pamanang panulat ang mga labas-pasok sa kulungan gaya nina Isabelo delos Reyes, Crisanto Evangelista, Aurelio Tolentino at Amado Hernandez.

Naisip ko, ilang dekada na nga ba ako nagtuturo at nag-aaral. Ito na ang huli kong klase, huli kong klase sa linggong ito. Nang ako’y naglalakad at papalapit sa pinto ng silid ay ito ang nasa isip ko: mayroon nga bang teoryang Pilipinong pampanitikan? Sa loob-loob ko lang, wala akong mahagilap liban sa panaka-nakang pag-aaral gaya ng “Dating” ni Doktor Lumbera. Kung wala’y ano ngayon ang salalayan ng ating panunuri?

Noong dekada 70, nang nagpasiya akong magsaliksik ng panitikang Kapampangan sa pamamagitan ng Awit ng Huk, hindi ba’t ito’y isang hudyat ng hangaring pagpapanibagong-disenyo ng pag-aaral ng panunuring pampanitikan? Hindi nagtatapos ang Mga Tinig Mula sa Ibaba: Kasaysayan ng Partido Komunista ng Pilipinas at Partido Sosialista ng Pilipinas sa Awit, 1930-1955 matapos itong makulumpon.

Oo, nais kong baguhin ang disenyong karaniwan ay nakatutok sa pormalismo, pagbuwag ng pormalismo, etc., etc. at nasasalaksak na lamang sa kalingkingan ang pag-aaral ng Marxismo. Nakakapos na tayo pagdating kay Marx samantalang kung tutuusin, ang lawak ng nasasaklaw ng paliwanag ni Marx sa anumang bagay.

Sa Pilipinas, bakit palagi tayo naiiwanan? Bakit tila ang layo-layo, hiwalay na hiwalay tayo sa puntong nawawala ang presensya ng Pilipino sa kasaysayan ng panitikan sa mundo? Bakit, noong Unang Digmaang Pandaigdig, hindi ba mahalaga ang papel ng mga manggagawang Pilipino ng tabako? Aba’y hindi ba’t supplier tayo ng digma! Pagkatapos ng Batas Militar, bakit kakaunti lamang ang mga nobelang tumatalakay sa martial law samantalang ito ang isa sa pinakamalupit na trahedya, pinaka-traumatic na karanasan ng mamamayan? Nasunog? Itinago? Ewan ko lang! Malamang hindi lang talaga tayo nagbabasa.

Kunsabagay, sa umpisa pa lang, wala naman talaga tayong konsepto ng nasyon. Ang pinaka-linkage lamang natin ay Malaysia at Indonesia. Kung nasa Tawi-Tawi ka, malamang sa malamang ay mas malapit ang iyong gawi at kultura sa mga bayang ito kaysa sa Maynila. Ngunit masasabi ba nating ang mga Kaigorotan ay hiwalay sa mga Ilokano ng patag? May ugnayan sila. Tuloy-tuloy ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng pakikipagkalakalan.

Ano nga ba ang “bayan”? Sabi ni Andres Bonifacio, bagamat ipinahiwatig niya, sa mga Katagalugan: kung magkapatid tayo sa luha, tayo ay magkababayan. Nabuo ang Kataas-taasang Kagalang-galang Katipunan ng mga Anak ng Bayan kung saan maraming miyembro ng katipunan mula sa katagalugan ang ipinadala sa iba’t ibang probinsya upang buuin ang bayan. Paano na, kung ang luhang mayroon tayo ay virtual lamang, nahumaling at nakupot sa melodrama’t telenobelang tagpo ng mahirap at hasyendero?

Saan ba nanggaling ang ganitong pormalismo samantalang kung hahalukayin natin ang ating mga epiko, mayaman tayo sa karakterisasyon at karansan? Distinct ito. Kung nagbabasa nga ako ng ating mga sariling kwentong bayan ay tumatagos sa aking kaibuturan ang ibinabaybay ng bawat titik at salita ng naratibo. Kung biswal ka, kikilabutan ka sa sinasabing totoong aswang sa probinsya kung saan habang tulala ka’y dahan-dahang umiiwa sa singit ng kawayang papag ang dila nito tsaka buong-giliw na sisipsipin ang… sanggol sa iyong sinapupunan. Whaaaa… Hindi ba’t nagaganap ito sa atin ngayon? Ang daming desaparasidos. Maya’t maya’y may nawawala. Hindi naman siguro lingid sa inyo na mayroon tayong dalawang scholars na hanggang ngayon ay ewan sa gobyerno at wala pa ring sagot. May faculty tayo na ang asawa ay kabilang sa Morong 43 at may dalawang fine art students na namatay noong nakaraang taon. Dumako tayo sa Latin America na karugtong natin sa pusod ng karanasan, sa Buenos Aires, nito lamang ay 30, 000 ang natalang nawawala. Sabi nga ng mga kapatid, “It’s so easy to be a writer in Latin America. Reality is so much terrible than any fiction can imagine.”

Sa Tales of the Manuvu, hindi usapin ng maiitim at maputi ang masama at mabuti kundi usapin ng tuso at kimi. Ganyan tayo eh. Ganyan tayo mag-isip. Hindi naman talaga lahat ng bahagi ng kaisipang Pilipino ay maibunton mo sa kagagawan ng imperyalismo. Paano ba tayo mag-isip sa kalagayang may ilang layers ng kolonyalismong nakasuksok sa kukote mo?

Paano bumalik ang ako? Ang ka-ako-han ng Pilipino? Ayan, yan ang una n’yong sanaysay: Nang Maging Iba ang Ako. Isulat n’yo yan sa kontekstong alam n’yo ang “Ako” sa panunuring oryental.

Wala pa akong maibigay na silabus. Pasensya na’t nasa stage pa ako ng pagmumuni-muni. Hanggang ngayon ay pinagmumuni-munihan ko pa rin ang ating silabus ng pagtuklas, pag-unawa at pagpapalalim ng panunuring pampanitikang Pilipino. Sa ngayon, maaari n’yo nang inota ang ating framework: Orientalism, Marxism at Post-Structularism. Sorry, hindi ako naniniwala sa Post-Colonialism. Nang dinesenyo ko ang silabus sa Ateneo hinggil sa Post-Colonialism, sinabi kong sinusulat ko ito sa motibong hindi ko ito gusto. Sa wari ko, ang ibig sabihin ng post- ay nalampasan na, na-transcend na. May nag-transcend na ba?

Teka, break muna. Bigyan n’yo ako ng tatlong minuto’t babalikan ko kayo. Ganito ako eh. Kailangan kong mag-isip.                                                                                       Okay, kaylayo daw nang naabot ko. Sige, sa Orientalism, unawain ang mga pinagsasabi nina Edward Said sa kanyang Introduksyon ng Orientalism; Benedict Anderson sa Imagined Communities at Albert Memmi sa The Colonizer and the Colonized. Sa Marxism, marami yan. Katunayan, sa dinami-dami nga ng Marxism baka pati si Marx sasabihin n’ya I’m not Marxist, si Marx nga ako eh. Syempre, pokus tayo kay Marx. Sana nabasa n’yo na ang Das Kapital at namnamin ang yugtong maaaring laktawan ang kapitalismo mula pyudalismo tungong sosyalismo na syang naganap sa Cuba, Rusya at maagang bahagi ng makabagong Tsina. Kunsabagay, hindi ito madali. Mahirap nga gawin at kahit sa Canada at Inglatera, maraming katakot-takot na pinagdaanan bago naging socialized ang kanilang sistemang pangkalusugan.

Marami din namang excesses ang Marxismo, maging ng Maoismo sa hibol ng Stalinismo. Pero tumpak na tumpak si Mao nang sinabi niyang kailangang may kasabay na cultural revolution ang political revolution. Isang halimbawa’y ang War at Peace ni Leo Tolstoy kung saan ang isang panginoong maylupa ay isinuko ang kanyang kalawakan sa mga magsasaka. Ang mga magsasaka nama’y di alam ang gagawin sa lupa. Totoo ba ito? Hmmm… palaisipan.

Si Rizal, malamang marami siyang nabasang Marx books. Kung paano niya nalikha ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na hanggang sa ngayon ay buhay na buhay ang kanyang mga karakter sa bawat isa sa atin ay hindi biro. Sige, sa ngalan ng paggunita sa kanyang kaarawan, pag-usapan natin si Rizal at ang kanyang nobela. Hindi naman talaga burgis si Rizal. Nakumpiska ang kanilang lupa kaya’t isang araw ay natanggap niya ang liham na, “Pepe, wala ka nang sustento.” Kaya, ang lolo mo, kailangang maghanapbuhay. Maraming love letter yan. Parang kami, love letter ang kinagigiliwan namin noon di gaya ngayon, paemail-email na lang, text o facebook ba yan. Ang pananalinghaga ay ispontanyo yan. Lumalabas sa bibig kahit sa pinakaordinaryong araw. Ganyan ba ang mga Pilipino ngayon? Nasaan na ang debate, ang pakikipaghuntahan natin?

Maganda ang sinabi ni Memmi na kung ikaw ay nasakop, ang mithiin mo ay matanggap ng mananakop. Tumatawid ito sa galaw, bihis ng tao at paghahangad makapasok sa unibersidad ng mananakop. Tuloy, ang sinakop ay nagkakaroon ng schitzo personality. Sa bandang huli, hindi naman talaga siya matatanggap ng mananakop samantalang oras na bumalik siya sa kanyang mga kababayan ay kinakakatwan na siya. Parang balik-bayan, pagdating dito’y aba’y ibang-iba ka na pero sa kalooban mo’y miss na miss mo ang pagiging Pilipino.

Maliwanag ito kay Rizal at malinaw niyang naipakita ang epektong schitzo ng pananakop. Kaya nga ipinakilala niya tayo kay Simon at Ibarra. Okay din si Rizal eh, binigyan tayo ng hiwaga, bukas na ending. Sige, pag-usapan natin siya sa susunod na sesyon. Gunitain natin siya’t baka sabihin ng departamento eh talagang anti-Rizal ako’t tumanggi akong magsalita sa kumperensya para sa kanya.

Ngayon, sino ang mangunguna sa diskusyon? Sino ang magboboluntaryo?                     Wala? Wala talaga? Aba’y kung ganyan kayo katahimik ay di na ako papasok sa klaseng ito.

Nagkakapaan pa kayo? Sige magkapaan tayo.

Subukan n’yong isalin ang sinabi ng isang Huk: “Ang awit ay kaluluwa ng aming buhay. Prinsipyo namin yan”. Noon, napilit ako nina Doktor Lumbera at Nic Tiongson na magbasa nang magbasa. Subukan n’yong basahin orally nang paulit-ulit ang Banaag at Sikat, ang Pasyon at Rebolusyon, ang Bagong Kristo at lahat ng librong di nababanggit ng inyong guro at marahil gaya ko, di kayo mahirapang mangapa at matuto. Isipin n’yo nga kung paano naging unang tagapamahala ng Sentro ng Wikang Pilipino ang isang Sebuano.#

Advertisements

About Joanna Lerio

cultural journalist, multidisciplinary artist, educator, traveller, dreamer, yogini, vegetarian, advocate Facebook.com/JoannaLerioOfficial Youtube.com/juanalily Juanalily.wordpress.com/ Juanalilytravels.dreamtrips.com/refer Twitter.com/JoannaLerio Facebook.com/linanganng.kulturangpilipino Artistswelfare.org/join-us/
This entry was posted in Awit at Musika and tagged , , , , , , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s