Siargao Kamingao


Hindi Hulyo ang pinakamainam na buwan ng pagtungo sa Siargao, isang isla ng probinsya ng Surigao del Norte at matatagpuan sa timog-silangan ng Manila sa layong 800 kilometro. Ayon sa mga mangingisda dito, tulog pa ang alon sa panahong ito at nagsisimula pa lamang itong managinip nang naglalakad sa mga huling araw ng buwan habang magsisimula itong humikab at mag-unat sa Agosto at tuluyang magising at bumangon sa Setyembre.

Kaya naman, tuwing Setyembre ay namamayagpag ang kabuhayan dito dahil sa taunang ginaganap na Siargao Cup, isang lokal at internasyunal na surfing tournament. Maraming surfer mula sa iba’t ibang bansa ang dumadayo rito upang salubungin ang hampas ng alon ng Siargao mula sa karagatang Pasipiko. Bagamat, dalawang buwan pa bago ang tournament, napansin kong marami akong kasabay sa biyahe na ang tanging pakay ay mag-ensayo na sa sayaw ng surfboard habang sinasalunga ang alon. Karamihan ay dayo mula sa ibang bansa. Tiyak namang mas malaking porysento sa kanilang mga tagapagsanay ay Filipino. Bukod sa surfing, mayroon din pa lang game-fishing at spear-fishing tournament dito laluna sa Agosto. Kung anuman ang kahulugan niyan, marahil sa isla mo na matutuklasan.

Hulyo 25, 2011 | Lunes | Biyahilo

Bagamat si Juaning ang headline ng Inquirer, walang tropical depression gaya niyang katokayo ko pa ang nakapigil sa pananabik na makapiling si Siargao, isla ng aking kamusmusan, matapos ang mahigit isang dekadang nilisan naming mag-anak ang Mindanao.

Mula sa NAIA, maaya naman ang biyahe patungong Mactan Airport. Pagdating dito, terible ang paghihintay. Ang biyaheng alas-onse ay naging alas-tres. Hindi lamang ang byaheng pa-Sayak ang na-delay, maging ang mga biyaheng pa-Palawan, Cagayan de Oro, Davao at lahat na lang ng flight ng Cebu Pacific kaya’t napuno ang antayan ng mga pasaherong pawang naiinip. Nagdulot ito ng isang uri ng komosyon laluna’t ang dahilan ng delay ay hindi naman si Juaning kundi ay “aircraft maintenance”: Ano na? May magaganap pa bang flight? Ganito ba forever CebuPac?

Sabi ng isang Manong sa staff, “Miss, pag kami nahuli ng tatlong minuto, kinakansela n’yo na ang ticket namin. Ngayong kayo’y na-delay ng mahigit tatlong oras, may libre na ba kaming ticket?” Namigay ng tanghaliang Jollibee. Sabi ng isang pasaherong Pinoy, nakakatuwa sana ang libreng lunch tapos hindi delayed ang flight. Sabi ng pasaherong dayuhan habang nakapila, “This is crazy. Stupid. Crazy.” Ako naman, parang di ako makareklamo gawa ng piso-Pac.

Kakaibang langit ang pangkalahatang nadarama nang sa wakas ay nasa himpapawid na kami bagamat kahit pala sa himpapawid, may mga baku-bakong daang hindi nahahagip ng eleksyon.

At ano ang una kong ginawa pagkalapag? Huminga nang huminga. Sinalunga ng aking pisngi ang hangin habang humagibis ang habal-habal. Dito, may tipo ng habal-habal na may atip. Yung isa naman ay wala. Mas gusto ko yung wala. Sa halagang P300-500, lampas tatlumpong minuto ang layo ng General Luna mula sa paliparan ng Sayak. Sakto lamang ang laki ng Sayak para sa ATR. May kalayuan ito at pakiramdam ko tila kalahati na ng isla ang nalibot namin pero kaaya-aya naman ang mga tanawin: palayan, kubo at mga kalabaw na pakalat-kalat.

Pagdating sa G.L., tsaka naman minungkahi ni Kuya Driver baka sakaling gusto kong pumunta ng Padre Burgos dahil bisperas ng pyesta doon. Napabuntong-hininga na lang ako, “Ay, ganun ba? Sayang”. Doon pala nagpunta ang karamihan. Sa Hilagang ibayo pa yun ng isla. P800 na ang renta sa habal-habal at wala pa akong siguradong matutuluyang presyong Pinoy at presyong Pinoy na estudyante. Pero gusto ko sana makipyesta at makipalo-tsino o maki-baile kaya. Sayang kaso nakakatakot naman kapusin sa budget at parang walang ATM sa isla kaya’t nagkasya na ako sa dapithapon sa G.L. Halos pareho-pareho naman ang lodging rate ng mga resort na pumapatak mula P500-3,000 bawat gabi pero kung matiyaga kang maghanap, mahahanap mo rin ang P300 na kubo malapit sa Cloud 9. Medyo marungis pa ang G.L. nang dumating ako kasi nga off-season pa daw at hindi pa napapanahon ang paglilinis.

Sa gabi, maaari kang matulog nang mahimbing sa buhangin habang ang mga talangka ay nag-iingay o kaya’y gumagawa ng kung anu-ano. Huwag ka nga lang tumapat sa puno ng niyog at baka ikaw ay magkabukol. Malamig pero hindi ko alintana sapagkat bihirang pagkakataon ang mahele ng dalampasigan.

Hulyo 26, 2011 | Martes | Lakbay-Baybayin

Hindi ko na nasilayan ang paghasik ng araw sa bukang-liwayway. Di na bale, tuloy pa rin naman ang pagbaybay ko sa baybayin ng G.L. hanggang sa makarating ng Board Walk, kung saan may pinakamalupit na lapit sa kilalang reef wave na Cloud 9. Ang Cloud 9 ang tawag ng mga lokal dito sa tipo ng along bumubuo ng tila ulap na hugis-9. May toreng-torch ang itinayo dito para sa mga nais mag-surf sa gabi.

Madaling makilatis ang Cloud 9 bilang linya ng along tumatagos mula sa isang maliit na isla tungo sa dalampasigan. Tanaw ito at naghahandog ng preskong hangin at payapang hele sa isang kamposantong nakaharap dito.

Ang Board Walk naman ay itinayo ng lokal na pamahalaan upang lunsaran ng tournament sa pag-engganyo ng mga turista sa pamamagitan ng isports. Libreng maglakad-lakad sa Board Walk at pagmunihan tuloy ang hangganan ng dagat o kaya’y namnamin pati ang kaakibat na tanawing surfers. Ngunit nakapalibot sa Board Walk ang establisyementong hotel at kainan ng mga Hapon, Koreano at Pranses na dolyares ang rate. Ang mga Australyano naman ang bahala sa paupahang kayak at catamaran.

Karamihan sa kanila ay dito na nanirahan at katunaya’y nagmamay-ari ng malalaking pribadong bahay. Karaniwan, tinutukoy ni Manong giya na ang ganyan ay pagmamay-ari ni ganito na nakapag-asawa ng ganito-ganyan. Matindi ang bentahan ng mga isla dito. Pumapatak ng P500,000 per square meter ang lupain at P1M ang isang islet: mura para sa mga Hapon, Koreano, Pranses, Aleman, Australyano, Dutch, Swede at Amerikano (pensyonado man o hindi) ngunit mahal kahit para sa mga tagarito. Nakakalungkot ang katotohanang kahit sa sariling isla, etchapwera talaga ang Filipino.

Liban na lamang marahil kung ika’y politiko, politikong asawa ng isa pang politiko o kaya’y sabit ng isang politiko. Matapos mamangha sa mga rest houses ng mga dayuhan, napadpad ako sa palasyo nina Gob at Mayor. Noong una’y nag-aalangan ako at baka ako’y mabaril pero sa loob-loob ko, hindi naman dapat pinagbabawal ang paglalakad-lakad sa dalampasigan dahil ilang metro mula sa karagatan, ito ay publiko ayon sa batas at di dapat angkinin ninuman kaya’t nakakaloka ang mga ligaw na trespassing signs na may bantay pang mga bulldog.

Tinuro ko ang isang tila swimming pool sa dagat. Sabi ng aking lokal na giya, “Kana Ma’am, bugak na ni Gob ug Mayor. Gikan na bukid. Migawas ra dinhi.” Sabi ko, “Manoy, nature na. Hindi lang sa kanila yan. Sa atin lahat yang bukal ng tubig mula sa bundok at pumalaot sa dagat.” Tinanong niya ako kung nagtrabaho na ako sa gobyerno. Sabi ko, “Ayaw. Madumi dyan. May alam ba kayong gobyernong hindi magulo?” Mabilis ang sagot niya, “Meron Ma’am. Sa bukid.” Sabay bulong, “Taga-Agusan ko Ma’am”. Ang mga kristal ng dagat kumislap at ang sinag ng araw sumilip sa tsokolateng balat ni Kuya. Apir!

Hulyo 27, 2011 | Miyerkules | Island Hopping

Ang Siargao ay binubuo ng siyam na barangay at mahigit 60 islet. Ang ilan dito’y tinatahanan ng tao habang ang iba’y mahirap tirhan dahil pasok sila sa kategorya ng islang lumulubog-lumilitaw. Kulang ang isang araw upang malibot lahat ng islet bagamat nagagawa ito ng mga Koreanong mahilig sa eksplorasyon ng kalikasan at maghanap na pagkatitirikan ng negosyo para pakalmahin ang kanilang mamamayang industriyal.

Sohoton Cove

Kaya naman sinasabing Koreano ang nakadiskubre ng Sohoton Cove noong 1981. Isang parikala! Sabi ko sa aming giyang mangingisda, “Hindi totoo yan, Manong! Hindi si Marcos, hindi ang mga dayuhan kundi ang mga mangingisdang Filipino ang nakatuklas ng Sohoton Cove. Likas ito sa isla at natural lamang ang ganda nito para sa mga lokal na ayon sa kanila, noo’y hindi sila makapasok dito dahil naghari ang mga sawa, bayawak at iba pang reptilyang hindi nila kayang mapangalanan. Ngayo’y nagpapasalamat sila sa mga Koreano dahil ngayo’y natatamasa na ng mga tao sa loob at labas ng isla ang pitong islet na sakop ng Cove. Sa loob-loob ko: “Syet, anong klaseng demolisyon ang ginawa nila sa mga hayop— Pamamaril? Panununog? Paglason? Pagpasabog ng cyanide?” Nasasaktan ako sa kahayupan ng ibang tao sa tabing ng pangangalaga ng kalikasan, karagatan at wildlife.

Mabuti naman at hindi nila pinaslang ang mga korales o kaya’y ginawan ng paraan na mapalitan ang mga nasirang korales sa proseso ng pagbukas ng Cove. Sa puntong ito, nagsisi ako sa pag-atubiling bumili ng water-proof camera.

Ang klasik ng aura ng cove. Sa bukana pa lamang nito, kung anu-anong pelikula ang naganap dito: ang gera ng Gresya at Persya sa Salamis, ang pagdaong ni Magellan o ang maingat na paglakad ng mga sundalong Amerikano sa latian ng Vietnam.

Isang buntong-hininga. Marahil, sa sobrang ganda ng anyong tubig at anyong lupang bumungad sa akin, hindi ko mapigilang mangambang mawala siya sa bayang Pilipinas.

Dalawang kweba ang sinadya namin. Ang unang kweba ay kailangang suungin para marating ang mala-pool o lawa sa loob. Puno ito ng stalactite. Ayon sa aming giya, nag-shooting daw dito dati ang Asian Treasures kasama si Angel Locsin at isang lalaki na di nila matandaan kung si Robin nga ba o si Marvin.

Sa ikalawang kweba, puno ito ng stalactite at stalagmite. Geo 101 ayon kina Manong giya: ang stalactite ay batong nabuo sa pamamagitan ng daloy ng tubig at matatagpuan sa itaas ng kweba na animo’y mga kandilang natutunaw habang ang stalagmite naman ay batong nabuo sa pamamagitan ng daloy ng tubig at matatagpuan sa paanan ng kweba. Sa tuktok ng kweba ay may bintana paharap ng cove kung saan maaaring mag-dive. Sugod naman ako. Nakakalula pala pero mas mahirap gumapang pababa kapit sa stalactite kaysa tumalon na lamang. Sa bilang na tatlo, nauna yatang lumundag ang puso ko.

Sa isa pang bahagi ng Sohoton ay kaharian ng dikya. Tinatayang mahigit isang milyong dikya ang nabubuhay dito. Nagtataka ako sa ganitong diversity. Wala bang kumakain ng dikya? Mainit ba sa bahaging ito ng isla? Bakit nga ba uli palaging sinisisi ang dikya sa baha at power shortage? Akala ko makati siya, hindi naman pala masyado. Unang beses kong nakakita ng uri ng dikyang transparent.

Nagbabadya na ang high tide nang kami ay palabas na ng kaharian. Kailangan naming magmadali dahil mahirap daw talaga makalabas ng Cove pag high tide sapagkat hindi na magkakasya ang mga bangkang two-engine sa mga lagusan. Bagamat kakayanin ng maliliit na bangka, mapanganib pa rin ang malakas na current sa lagusan.

Liban sa paglibot sa lagoon, maaari ding mag-trek at tunghayan ang mga agoho o uri ng casuarinas/sheoak at ang mga punong tinatawag na Magkuno, isang ironwood na tinuturing na pinakamatigas sa mundo. Nagtataka na naman ako kung bakit hindi ito napapakinabangan ng pambansang industriya ng muwebles.

Kapos kami sa oras kaya hindi na namin nasilayan ang maliliit na butanding, pawikan at iba’t ibang uri ng paniki bagamat maririnig sa paligid ang taghoy ng mga serpent eagle at white-breasted eagle.

Masasabi kong ang Sohoton ang siyang dapat unang puntahan ng sinumang may balak maglibot sa Siargao. Mula sa Sayak, maaari ka nang mag-upa ng motor tungong Dapa o pier (kung marunong kang mag-motor ay mainam na magrenta ka na para sa saklaw na panahong pamamalagi mo sa isla). Bilang daungan ng Surigao del Norte, may mga pampasaherong bangka rito patungong Sohoton. May pamasaheng pang-grupo at pang-indibidwal. Syempre, kung mas marami kayo, mas tipid. Kung balak mo namang magpalipas ng gabi sa Cove, may murang P300 transient rooms dito kung ayaw mong matulog sa katabing mga hotel sa may likod ng Cove sa halagang P1,500-10,000 bawat gabi. Naniningil naman ang Sohoton Eco-Tourism Park ng entrance fee at guide fee sa bawat bisita.

Islang Dakô

Magkakatabi ang Islang Dakô, Naked at Guyam. Dakô means dakô (malaki). Ito ang pinakamalaking isla sa tatlo. Isang pamayanan ng mangingisda ang nakatira dito: walang kuryente, hirap sa tubig na matabang o maiinom at bulnerable sa bagyo. Abala sila sa pagtatanim ng niyog sa tanging lupang buhangin, pagtatagpi ng mga naliligaw na shells upang ibenta bilang dekorasyon at syempre, pagpapanday at pag-aayos ng mga bangka bilang isda ang kanilang pangunahing inaasahan upang mabuhay. Tinanong ako ng isang turistang foreigner: Why do they choose to live here? Tinanong ko siya ng isang teatrikal na pagtataka: Why?

Naabutan namin ang mga kabataang nag-iihaw ng Talaba. Talaba! Meryenda daw nila na inagaw namin. Binili naman ng kasama ko at pumayag sila. May kasama pang buko, ang kanilang opisyal na tubig. Sabi, di na bale, sisisid na lang daw sila uli. At sabi, mahirap mahanap ang talaba sa ilalim ng dagat dahil mapagpanggap ito bilang bato o korales. Kung di ka isang mangingisdang marunong, marami kang mabubulabog na korales. Iba rin ang usapin sa kakayanang pagsisid nang walang baong oxygen tank. Kaya pala minabuti ng Cebu na mag-alaga ng talaba para mas madaling mag-harvest.

Ang mga kabataan na nakilala naming ay kabilang sa ikatlong henerasyon ng mga mangingisda sa isla. Sa tanang buhay nila, hindi naman daw lumubog ang isla kapag may bagyo at sanay na sila sa buwan bilang tanging liwanag sa gabi. Mahal kasi ang gas at mahal din ang pagluluwas.

Islang Naked / Islang Pansukian

Ito ay isang puting sand bar na may mga 200 metrong sukat. Sa sobrang liit ng isla, malilibot mo siya sa loob ng tatlong minuto. Ayon sa mga residente, tinawag nilang Naked ang isla dahil kalbo ito. Bihira ang tumutubong halaman dito bilang tanging buhangin ang bumubuo dito. Ayon sa mga taga-Islang Dakô, magsinlaki ang Islang Dakô at Naked noon ngunit sa paglipas ng panahon, ang Islang Naked ay lumiit nang lumiit dahil sa lakas ng alon.  Bilang kapitbahay na isla, maraming alamat tungkol sa Naked ang mga taga- Dakô. Hindi na malaman kung kalian nagsimulang maging Naked ang bansag sa Pansukian pero sa palagay ko ay turismo na ang nagpauso nito.

Islang Guyam

Tanaw sa isla ang kanang paa ng Cloud 9. Nakalimutan kong tanungin kung anong ibig sabihin ng guyam sa Bisaya ngunit ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, ito ay tumutukoy sa isang uri ng maliit na langgam. Makes sense. Walang nakatira dito kundi mga ibong kumakain ng isda na mailap sa kamera at mga maliliit na niyog na tahanan ng mga tukô at langgam. Nang ang lunan naming bangka ay pataob na sa isla, mabilis namang kumaripas pa-kayak sa Board Walk ang mga naabutan naming apat na kyot na mga papang baklang puti.

Hulyo 28, 2011 | Huwebes | Bike hike

Katingkati na ako sa mapa. Wala namang google map dahil walang internet. Di gumana ang baon kong —bro. Mayroon daw sa Bayan pero hindi ko na sinubok hanapin dahil nakatitiyak kong buffering ang koneksyon. Walang binigay na mapa o kahit anong brochures ang opisina ng turismo sa pook dahil naubusan daw. Gusto ko talaga libutin ang buong isla. Naniniwala akong kaya itong libutin ng walong oras sa pamamagitan ng motor (kahit di ako marunong magmaneho ng motor ni bisikleta). Kaya’t sa ika-apat na araw, suot ang shades ay bitbit ko ang thunders na mapang pinakatatago ng aking landlady. Naka-upa ako ng motor sa halagang P600 para sa buong araw. Sa pagbaybay, mapapansin mong ang bawat bungad na Welcome to Barangay— at dulong Thank You ay sementado habang sa kalagitnaan ay “Happy Trip” sa daang naghihintay ng susunod na eleksyon.

Ganito ang aming ruta mula General Luna: daan ng Dapa, paakyat sa Del Carmen, tagos sa San Benito hanggang Sta. Monica, Padre Burgos, Isidro at Pilar pabalik sa G.L.

Mula sa Dapa, matatanaw ang Bucas Grande, ang mala-Sohoton ng Socorro. Mararating lamang ito sa pamamagitan ng dalawang oras na pagbabangka. Ito lang nasabi ko: Pramis, babalikan kita.

Del Carmen Mangrove Forest

Kilala ang Del Carmen bilang tahanan ng pinakamalaking reserba ng mangrove forest sa Mindanao at ng buwayang pangtubig-alat-at-tabang ng nanganganib na pamilyang crocodylus porosus.

Taktak Falls sa Sta. Monica

Magpupungko Pool sa Pilar

Karaniwan sa bawat baranggay ang sabungan, palayan at koprahan. Marami namang bundok ang hindi ligtas sa quarrying.

Hulyo 29, 2011 | Biyernes | Sulyap Pauwi

Tuwing Lunes at Biyernes lamang ang biyahe ng eroplano sa Sayak. Kaya’t biyernes ay mabigat sa loob akong nag-impake. Ayoko sanang bumalik ng Manila! Ayaw! Mabuti’t Juantime na ang ATR. Nakakagulat ding sakto sa oras ang dating ng eroplano. Ang dami ko palang kasabay na Koreano. Kasingdami sila ng mga Puti. Wala lang talagang pangbakasyon o kaya’y kapos ang mga Pinoy at mismong kanilang mga probinsya’t isla ay di mapuntahan.

Ayaw pa ako paalisin ng mga kumupkop sa akin. Tuturuan daw ako ng surfing para makasali sa Setyembre 21. Naku! Hampas sa alon, martial law yun eh. Tatlumpo at siyam na taon na ang nakalipas ngunit di pa rin lubusang natatamasa ng mga biktima ng diktaduryang Marcos ang katarungan. ###

Advertisements

About Joanna Lerio

cultural journalist, multidisciplinary artist, educator, traveller, dreamer, yogini, vegetarian, advocate Facebook.com/JoannaLerioOfficial Youtube.com/juanalily Juanalily.wordpress.com/ Juanalilytravels.dreamtrips.com/refer Twitter.com/JoannaLerio Facebook.com/linanganng.kulturangpilipino Artistswelfare.org/join-us/
This entry was posted in Biswal, Paglalakbay and tagged , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

3 Responses to Siargao Kamingao

  1. Jas Min says:

    Love Siargao. Will go there. Soon.

  2. Pingback: Cotabato from the Sky | ISLANG MALAYA

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s