Ka Roger Rosal, Tunay na Bayaning Pilipino


Mula sa kwento ng isang tagahanga sa programang Ka Roger: ang Walang Kamatayang Tinig ng Sambayanan, isang parangal para kay Gregorio “Ka Roger” Rosal (1947-2011) na itinanghal sa University Theater, University of the Philippines Diliman noong Oktubre 21, 2011. Ang parangal ay binuo ng mga pananalita, kwento, bidyo, awit, tula at sayaw.

This slideshow requires JavaScript.

Taong 1993, nang una kong marinig ang pangalang Ka Roger. Panahon iyon ng pagsikad ng Kilusang Pagwawasto sa hanay ng Kilusang Kabataang Estudyante. Ang mga kamalian, kakulanangan at malupit na atake ay sadyang lumikha ng malaking pinsala sa hanay ng Kilusang Kabataang Estudyante subalit ito’y napagtagumpayan dahil sa Kilusang Pagwawasto. Sa buong prosesong ito ng maningning na kasaysayan ng Kilusang Kabataang Estudyante, naging bahagi si Ka Roger Rosal.

Sa Kilusang Pagwawasto, napakahalaga ng ginampanang papel ng masiglang pag-aaral sa lipunan, rebolusyonaryong pakikibaka at rebolusyonaryong kilusan. Si Ka Roger ay naging guro ng mga kabataan sa pag-aaral ng wastong pagsususri sa mala-kolonyal at mala-pyudal na sistema ng lipunang Pilipino. Nakatulong ang mga payak na mensahe ni Ka Roger upang maunawaan ng kabataan ang pangangailangan ng Pambansa Demokratikong Rebolusyon para ibagsak ang naghaharing sistema at ang halaga ng armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka. Tumimo sa hanay ng kabataan ang paulit-ulit niyang panawagan na magtungo sa kanayunan upang imulat, organisahin at pakilusin ang uring magsasaka bilang pangunahing pwersa ng rebolusyon at direktang lumahok sa armadong pakikibaka. Si Ka Roger ay naging malakas na impluwensya sa napakaraming kabataan noon na nagtungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Ang ilan sa kanila ay itinanghal nang martir ng rebolusyunaryong kilusan tulad ng magigiting na kababaihan na sina PS de Leon ng Polytechnic University of the Philippines, Ella ng University of the East, Gypsy ng Far Eastern University, Mayang ng University of the Philippines at marami pang iba.

Hindi maikakaila at marapat lamang na ipagmalaki na idolo namin si Ka Roger. Siya ang naging huwaran ng simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka at naging larawan ng mahusay na propagandista: mga katangiang hinahangad ng karaniwang peti-burges na kabataan. Ang kakaibang timbre ng kanyang boses, ang kanyang Mao cap, ang larawan ng rebolusyonaryong kilusan – yan ang tatak ni Ka Roger sa hanay ng aktibistang kabataan. Tulad ko, napakaraming kabataan noon na nangarap makilala siya nang personal.

Taong 1994, Disyembre, nakatanggap ako ng imbitasyon na saksihan ang selebrasyon ng anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas na gaganapin sa isang probinsya sa Timog Katagalugan. Hindi ako nagdalawang-isip na sunggaban ang pagkakataong direktang masaksihan ang aktibidad ng rebolusyonaryong kilusan. Hindi ko inasahan na dito matutupad ang aking pangarap. Nakita ko doon si Ka Roger Rosal. Hindi naman siya gaanong artistahin sa personal pero ako po ay sadyang na-start struck. Di agad ako nakapagsalita nang tanungin niya kami kung kamusta ang aming byahe at kung kami ba ay nahirapan. Nakasunod ang aking mata sa bawat galaw niya habang umiikot siya sa masa, mga kasama at mga bisita para makipaghuntahan at makipagbiruan. Napakainit ng kanyang pakikitungo at madali siyang makapalagayang-loob.

Sa sandaling panahong nakasalamuha ko si Ka Roger, marami kaming napag-usapan di lamang sa usaping politika kundi maging sa usaping personal. Isa sa hindi ko malilimutan ang aming kwentuhan tungkol sa posibilidad na gagawing pelikula ang kanyang buhay at pakikibaka. Ayon sa kanya, kung siya daw ang pipili, si Ricky Davao ang gusto niyang gumanap na Ka Roger. Di ko napigilang bumunghalit ng tawa. Akala ko kasi’y nagbibiro siya, seryoso pala. Pero kung tinanong nya ako noon kung sino ba ang sa tingin ko ay mainam, ang isasagot ko sana ay si Robin Padilla. Marahil siya naman ang bumunghalit ng tawa.

Napakasarap ng pakiramdam na ibinabahagi ko ito sa inyo ngayon. Napakalaking karangalan na mabigyan ng pagkakataong makapagbahagi para sa ng parangal ng isang Roger Rosal. Nais kong isanib ang aking tinig sa milyun-milyong mamamayan sa loob at labas ng bansa na nagbigay ng pinakamataas na pagpupugay kay Ka Roger. Taas-kamao para kay Ka Roger – dakilang rebolusyonaryo, tunay na bayaning Pilipino.

~~~~~~~~~~~~

Sa mahabang panahon, si Gregorio “Ka Roger” Rosal ay siyang naging opisyal na mukha sa midya bilang tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas. Liban sa kanyang pagkahumaling sa politika at syensya ng rebolusyong mapagpalaya, siya rin ay may hilig sa pagpapatugtog ng harmonica, pag-awit at komposisyon. Isa sa kanyang isinulat ang Awit ng Kaingero (Quezon-Bikol, 1974). Nililinaw sa awit ang kaibahan ng kaingin at big-time logging at ang kabalintunaang kaugnay nito hinggil sa kabuhayan at kalikasan.

Kay hirap ng buhay dito sa kaingin

Sa maghapo’y pagod sa ating gawain

At maging sa gabi’y di ka patulugin

Sa bigat ng ating mga suliranin.

 

Masukal na gubat matapos hawanin

Malalaking kahoy maihapay natin

Ang palay at kahoy ating itatanim

Upang may makain ang pamilya natin.

 

Ngunit ano itong gawa ng gobyerno

Bawal magkaingin sabi ng montero

Habang ang konsesyon nitong si Morato

Nagpapatuloy sa pagkuha ng troso.

 

At ang lalong grabe ay ang mangangamkam

Hayop na surbeyor at PCng tulisan

Matapos mangikil tayo’y babantaan

At walang awa pang ipagtatabuyan.

 

Kaya’t ang lunas ay ang pagkakaisa

Humawak ng baril tayo’y makibaka

Ipagtanggol natin lupang sinasaka

At ang pang-aapi’y ating wakasan na.

 

Sa tulong ng Hukbo, gabay ng Partido

Pakikibaka ay susulong, lalago

Pagsasamantala ay maigugupo

At ang tagumpay ay ating matatamo.

Advertisements

About Joanna Lerio

cultural journalist, multidisciplinary artist, educator, traveller, dreamer, yogini, vegetarian, advocate Facebook.com/JoannaLerioOfficial Youtube.com/juanalily Juanalily.wordpress.com/ Juanalilytravels.dreamtrips.com/refer Twitter.com/JoannaLerio Facebook.com/linanganng.kulturangpilipino Artistswelfare.org/join-us/
This entry was posted in Awit at Musika, Sayaw, Teatro and tagged , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s