Elevator Action: No Reset. No Extra Life (Review)


 

Hindi ako pamilyar sa kung anu-anong nagsusulputang palarong birtuwal bagamat batid ko ang paglipana ng maraming computer game, maging ang pagkahumaling dito ng maraming kabataan. Tiyak mayamang-mayaman na ang pinakaunang nagpauso ng computer game sa deka-dekadang adiksyon dito ng kapwa bata man maging ng mga matatanda.

Batid kong kapag sinabing laro, ito ay labanan ng tapang sa tapang, liksi sa liksi at intensyon sa intensyon na taglay ng tao at nahuhubog batay sa kanyang sariling karanasan, kasanayan at kakayahan (pang-ekonomiya man o politikal).

Sa totoong buhay, bawat laro ay pagsubok. Gayun din naman sa computer game at tumitindi ang mga balakid at pagsubok habang nakakaani ka ng kapangyarihan at points sa bawat target na nasisipa mo, nasusuntok mo, nababaril mo, napapasabog mo at napapalusaw o napapa-disappear mo sa screen. Mapapa-engganyo ka sa dahas dahil ang cute-cute lang tingnan ng kalaban o kaya’y ang tatanga-tanga nila’t ang sarap-sarap pagbabarilin o pasabugin at ikalat ang bituka, mata at dugo sa screen.

Ang kaibahan lamang sa tunay na buhay, kapag may natamaan, hindi siya animation o graphics na maaaring mabuhay muli sa isang reset kundi siya ay isang totoong tao na maaaring sa isang tagos ng bala sa dibdib ay deklaradong dead-on-arrival sa PGH: hindi na naghihingalo, wala nang tibok ang pulso, patay na siya at ang kanyang katawang-tao ay talagang patay na magpakailanpaman. Walang reset. Walang extra life. Ayon nga sa tagline ng dulang Elevator Action sa panulat ni Vlad Gonzales at halaw sa The Dumb Waiter ni Harold Pinter.

Ang tanong, alin ba ang patas na laro, isang labanan ng tapang sa tapang, tamang liksi, mabilis na pag-iisip at dalisay na intensyon? Paano kung ang laro ay hindi simpleng libangan para sa manlalaro kundi isang negosyo para sa may pakana nito? Paano kung ang laro ay hindi simpleng pera-pera kundi pangangalaga mismo sa oligarkiya ng batas at lupa? Paano kung ang manlalaro mismo ay walang malay na pinaglalaruan? Kung walang malinaw na konteksto, nagiging malabo ang kasabihang Pilipinong “Matira ang matibay” at “Ang namamayani sa kung sinumang nagwagi ay katarungan.”

Para sa hired killers na sina Gus at Ben, na ginampanan sa dula nina Stephen Viñas at Allen Diansuy ng programa sa Sining Pangteatro ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman, ang laro ay isang hanapbuhay, isang maruming “assignment” na kailangang tapusin nang malinis. Tanggap nila ang katangian ng kawalang-patas sa ganitong laro na madalas sa madalas sila ang nakakalamang pagkat sila ang may baril, sila ang may larawan ng biktima, sila ang may mapa ng gawain at lugar na pinupuntahan ng biktima, sila ang may budget upang gawin ito, sila ang may bitbit ng utos ng pangliligpit, sila ang may proteksyon, etc. etc. Tanggap nila na matatapos lamang ang “assignment” kung natira nila ang dapat tirahin kasabay marahil ang pag-asam na may kapalit itong kaginhawaan o katahimikan para sa kanila. Maaaring wala na rin silang pakialam sa kapalit na kaginhawaan o katahimikan dahil wala na silang pakialam sa halaga ng buhay. Hindi naman sila basta naglaro na lang o kaya’y kinonsinte lamang ang sarili. Ang tanging dahil ng kanilang pananatili sa mundo ay ang kanilang “Boss” at ang utos nito.

Sa pagpasok sa tanghalan, bumungad sa manunuod ang set ng dalawang kama at dalawang lagakan na sa unang impresyon ay ordinaryong set lamang ng isang hide-out sa Bulacan-out, isang probinsyang kilala sa hide-out ng mga tauhan ni Palparan na hanggang ngayon ay WANTED sa pagkawala ng mga estudyante ng UP na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño at ng marami pang ibang bigla na lang nawala.

Ang dating sa simpleng disenyo ng set ni Aaron Misayah ay hatid ng paggalaw ng set, set pieces at ng pader, maging ng ilusyon ng presensya at kawalan ng mga gamit at kagamitan dito. Ang lagakan ni Gus ay para sa kanyang koleksyon ng video games habang ang kay Ben ay para sa dyaryo: mga elemento ng kanilang sikolohiya bilang manlalaro at tagatunghay lamang ng resulta ng laro. Masaya sila sa larong ito at hindi sila apektado kung may napapahamak na bata, Nanay, Tatay, Lolo, Lola, kapatid o kapitbahay man.

Ngunit magkaiba sina Gus at Ben pagdating sa alboroto sa dahas. Habang pareho silang di mapakali sa paghihintay ng detalye sa susunod nilang assignment, sa pamamagitan ng sayaw at sa pagitan ng voice acting nina Viñas at Diansuy ay matutunghayang si Gus ay atat na atat at mainipin habang si Ben ay chill lang sa pagbabasa ng dyaryong kabisado niya na ang lamang balita kahit nakapikit. Noong una akala ko’y ang eksena ay tungkol sa magkarelasyong bakla na may magkahiwalay na kama dahil liban sa kilig ng intimasyon ng dalawa, ang unang balitang binasa ni Ben ay tungkol sa dinanas ng isang comfort gay. Sa malaon, mauunawaang ang kanilang espasyo ay sadyang teritoryo ng senyoridad sa edad at emosyon sa larangan ng kanilang gawain habang ang balita ay simpleng nagbabagang balita hinggil sa isa na namang karumaldumal na krimen. Magkasundo ang parehong karakter pagdating sa adbentyur, suspens at aksyon. Mahusay ang pagganap ng dalawang aktor nito bilang live animation kasama ng iba pang korus.

Sa pagitan nilang dalawa, si Ben ang palaging nasusunod kaya’t pagdating sa gawaing domestikado at higit na mapanganib na hakbang, si Gus ang agrabyado o nalalagay sa alanganing posisyon, bagay na tila nakasanayan niya na.

Nagparamdam ang kanilang Boss mula sa isang paketeng hinagis sa kanilang kwarto na inakala nila’y ito na nga ang pinakainaabangan nilang pakete: ang detalye ng kanilang assignment. Nakakadismayang ito ay isang pakete ng posporo lamang na bagamat sumindi ay wala ring kwenta dahil wala namang gaas ang kanilang lutuan. Habang tumatagal ang kanilang paghihintay, nagkakaroon ng saysay ang maliliit na bagay na napapansin ni Gus sa kanilang kinalugmukan: mula sa kawalan ng gaas, amoy ng kama, sirang flush, paghahanap ng tsaa, kagutuman at alaala ng huli nilang assignment: pagbuwal sa isang estudyante, isang estudyanteng babae, isang estudyanteng babaeng buntis. At ang pinagtatakhan ni Gus, kung hindi nila nagawa nang malinis ang marumi nilang assignment, may naglilinis ba ng kanilang kalat? Sino ang naglilinis? Ang galing! May tagalinis ng kalat. Kung nakabaon na sa hukay ang isa mong paa habang buhay pa, ang pagtatakang ito ay isang baligho.

Nagparamdam muli ang kanilang Boss mula sa sumulpot na serving hatch na may lamang order slips, hindi ng tungkol sa susunod nilang misyon kundi order ng mamahaling pagkain. Bagamat batid nilang hindi nila posibleng maibigay ang order dahil una, hired killer sila hindi cook; pangalawa wala silang gaas; at pangatlo, wala silang lulutuin, nagkakandakumahog pa rin ang dalawa upang mapasaya ang kanilang Boss sa puntong isinakripisyo ni Gus ang kanyang suplay ng pagkain. Hindi nila siguradong nakikita sila ng sinuman mula sa serving hatch ngunit ang sigurado ay naririnig sila nito mula sa isang speaking tube na nakakabit sa hatch.

Pasikip nang pasikip ang kanilang mundo habang hinihintay pa rin nila ang pinal na utos ng kanilang Boss. Bagamat nakasawsaw at game na game sa laro, napaghalataan ni Gus na di nila kailanman napapasaya ang kanilang Boss: “Kapag okay sa kanila, walang sinasabi… pero kung makareklamo, akala mo wala nang bukas.”

Sa atas mula sa tube, ang tortyur ng paghihintay ay nagwakas din. Ang walang malay na si Gus ay di na masisilayan ng umaga habang ang walang malay na si Ben ay di sinunod ang kanyang malay upang tapusin ang siklo ng walang-kapararakang pagtupok ng buhay. Kunsabagay, sa umpisa pa lang, wala nang kwenta ang buhay para sa kanya kaya’t wala na ring halaga kung may pakialam siya dito o wala.

Kahit panay na ang sorpresa at pasabog sa mga naunang eksena, pasabog pa rin ang dating ng katapusan ng dula sa akin bagamat kung tutuusin, aasahan mo rin ang ganitong ending dahil sa totoong buhay, ganito naman talaga ang kinahihinatnan ng karamihan sa mga manlalarong private army ng mga politiko at panginoong maylupa o kaya ng mga tambay na kabataang nahugot mula sa maralitang mga komunidad upang magbenta ng droga. Kaparehas ng ilang sundalong Amerikano noon na ayaw nang makipaglaro sa gera ng US sa Iraq. Oras na sila’y gustong mag-shift ng career mula sa buhay lumpen-mersenaryo tungong “buhay na tahimik”, kung hindi ginto ay bala rin ang kanilang katapat. Marahil, ibang pasabog rin ang dating ng ending kung winasak ni Ben ang serving hatch imbes na wakasan ang buhay ng kanyang ka-buddy.

May larong mapaglaro sa manlalarong nilalaro ng lumikha ng laro. Absurd pero totoo. Absurd at epektibo ang direksyon ni Joey Ting ng dula mula sa kontemporaryong panulat ni Vlad Gonzales.

Advertisements

About Joanna Lerio

cultural journalist, multidisciplinary artist, educator, traveller, dreamer, yogini, vegetarian, advocate Facebook.com/JoannaLerioOfficial Youtube.com/juanalily Juanalily.wordpress.com/ Juanalilytravels.dreamtrips.com/refer Twitter.com/JoannaLerio Facebook.com/linanganng.kulturangpilipino Artistswelfare.org/join-us/
This entry was posted in Rebyu, Teatro and tagged , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

One Response to Elevator Action: No Reset. No Extra Life (Review)

  1. Pingback: Mrs. B: Dula bilang Proseso ng Paghahanap at Hakbang sa Pagsasabatas ng Karapatan | ISLANG MALAYA

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s