Kulungan at Kanlungan: Mga Pasabog sa Virgin Lab Fest 8 Set E Revisited


Rebyu ng mga dulang Kawala, An Evening at the Opera at Kafatiran
Hulyo 1, 5 at 6, 2012
CCP Tanghalang Huseng Batute

Ang Virgin Lab Fest ay taunang festival ng mga bagong sulat na dulang di pa nitatanghal. Sa kolaborasyon ng Writer’s Bloc, Tanghalang Pilipino at Cultural Center of the Philippines handog ng festival ngayong taon ang 15 bagong dula at tatlong dulang napasinayaan sa Virgin Lab Fest 7 noong 2011 (Set E). Napanood ko ang unang araw ng pagtatanghal nito noong Hulyo 1.

Matingkad sa tatlong dula ang internal na kinakaharap ng mga bidang karakter sa espasyong kanilang kinapapalooban at sa klima ng panahong kinasasakupan ng kanilang kwento. Bilang indibidwal na bahagi ng isang komunidad, magandang silipin ang mga salik na nakakaapekto sa kanilang layon sa buhay at nagtulak sa kanilang mayor na kapasyahan. Bagamat magkaiba ang katayuang pinanggagalingan ng mga bida: isang manggagawa, isang asawa ng gobernador at apat na mga Katipunerong Shingshing, magkaugnay ang kanilang layong magkaroon ng identidad at makawala sa abstraktong kulungang kanilang konkretong nararamdaman.

Unang Dula: KAWALA
Panulat ni Rae Red
Direksyon ni Paolo O’Hara
Tagapamahala ng Entablado: Mercy Udaundo
Mga Nagsiganap: Pewee O’Hara, Tess Jamias, Regina de Vera, Chris Pasturan, Lao Rodriguez, Jerry O’Hara at Jelson Bay

Sa elevator umiikot ang mundo ng bidang Elevator Boy. Pamilyar sa modernong condo living ang mga eksena. Sa araw-araw na paulit-ulit na gawain, kabisadong-kabisado niya na ang kanyang trabaho mula pagbukas at pagsara ng elevator, pagbati sa mga naninirahan sa condo maging ng kanilang panauhin, pagbuhat ng kanilang bagahe at maging pagsalo ng kanilang mga buntong-hininga o kaya’y utot. Nakabisado niya na rin ang buhol-buhol na buhay ng bawat tauhang pumapasok at lumalabas sa kanyang munting mundo: ang sikat na aktor na si Dave at ang pag-inda nito sa sariling dangal sa pagsabak sa industriya ng aliw sa ngalan ng kasikatan at maalwang buhay; ang relihiyosong mag-asawang sina Mr. at Mrs. Valdez na animo’y modelo ng perpektong pagsasama sa hirap at ginhawa ngunit ang totoo’y panay ang pag-aaway habang si Mister ay may kalaguyong kapitbahay sa ibabang palapag ng gusali; isang Kapitbahay na naniniwalang ang kabit ay hindi kabit habambuhay at ang babae ay sadyang puta; at isang Misteryosong Pari na kilala bilang napakahusay na manunuyo ng kababaihan sa alinmang palapag ng condo.

Sadyang nakabuyangyang ang kanilang masalimuot na mga kwento sa harap ng isang Elevator Boy anumang pagturing nila dito bilang pribado. Kung tutuusin, kayang-kayang ibayong pagbuhol-buholin ng Elevator Boy ang kanilang buhay ngunit sa bandang huli, siya ay isang marangal na empleyado na minsa’y namamangha at minsa’y natutuwa sa kaganapan sa kanyang paligid. Tila nakabisado niya na ang pakikipagkunwari: “walang nakikita, walang naririnig” at kung may narinig man, lumalampas lamang ito sa kabilang tenga o kaya’y natatabunan ng musikang handog ng kanyang headphone. Musika ang nagsilbing outlet niya upang makabangon muli at magsilbi sa susunod na araw. Ang walang-malay na pakikipagkunwaring ito ang nagsisilbing langis ng kanyang kalakasan upang manatili sa kanyang trabaho.

Isang oportunidad ang bumukas sa kanya: ang pagkaroon ng trabaho sa Makati na inilapit ni Mr. Valdez. At nagsimula siyang mangarap ng higit na maayos na trabaho, higit na masayang paligid at higit sa lahat ang magkaroon ng higit na sweldo upang makatira sa ganoong klaseng condo. Pinagtawanan lamang siya ng mga tauhang nakapalibot sa kanya. At dahil nagsimula siyang mangarap, nagsimula rin ang kanyang kalituhan: Kung kontento ba siya o hindi sa kasalukuyan at kung ano ang tama at mali sa kanyang kinalulugmukan? Kung ang pakahulugan niya ng masaya ay siya rin nga bang pakahulugan ng isang residente ng condo?

Hindi mahalagang masagot niya agad ito sa kanyang sarili sapagkat ang alam niya, ang dama niya ay excited siyang lumipat ng trabaho at nagpagawa pa ng resume sa kanyang kaibigan.

May bagong karakter na bumungad sa kanyang mundo: isang bagong-lipat na Babae. Awtomatikong inako niya ang pagbibigay ng oryentasyon sa kanya hinggil sa ugali ng gusali at ng mga naninirahan dito. Inosenteng anghel ang impresyon ni Elevator Boy sa kanya. Isang impresyong mabilis rin nalusaw ng katotohanang kasama ng Babae sa kanyang paglipat ang Misteryosong Pari.

Ang pasabog na ito ang nagtulak sa paglaho ng kanyang pagdadalawang-isip kung ilalako ba niya o lalakumusin kaya ang kanyang resume.

Sa bandang huli, pinunit ng Elevator Boy ang kanyang pinakainiingatang resume. Nawalan ba siya ng kumpiyansa sa mundo ng pagbabago? Nais niya bang manatili upang matulungan ang Babae? Labis niya lamang ba ikinatuwa ang kabalintunaan ng mga pangyayari sa kanyang paligid? Tinanggap niya na bang ang elevator para sa isang manggagawang gaya niya ay walang daan palabas? Hindi direktang sinabi sa ending ng dula ngunit ito marahil ang nasa kukote ng bidang mangiyakngiyak na tumatawa’t umiiling-tumatango habang namamatay ang ilaw sa entablado.

Marahil, napagtanto niyang ang condo ay isang kastilyong buhangin at kahit lumipat pa siya ng lokasyon ng trabaho, makukulong pa rin siya sa ganitong klase ng gusali at dekadenteng paligid.

Ikalawang Dula: AN EVENING AT THE OPERA
Panulat ni Floy Quintos
Direksyon ni Jomari Jose
Tagapamahala ng Entablado: Caryl Ann Paraico
Mga Nagsiganap: Anna Abad Santos, Frances Makil Ignacio at Jonathan Tadioan

Taliwas sa kanyang magarbong bihis at maharlikang kuwarto, walang ningning sa mga mata ni Miranda Beloto ngunit mahusay na naitatago ng make-up ang kanyang mga hinagpis maging ang mga pasang gawa ng pambubogbog ni Big Boss Beloto, ang kinatatakutang gobernador ng probinsya. Nakaganyak na siyang dumalo sa Opera na kanyang inorganisa. Ang gabing ito sana ay katuparan ng kanyang konsepto ng kagandahan at kasayahan: isang regalo sa sarili para sa kanyang kaarawan. Nakalimutan ito ng kanyang asawa at maging ng kanyang multong Ina.

Kailangan niyang makipagbunuan sa kanyang Ina na kahit hanggang sa pagyao ay minumulto siya nito hinggil sa kanyang political dynasty marriage at ang katanungan ng pagiging kontento. Pareho silang nasadlak sa fixed marriage ngunit diniin ng kanyang Inang di niya kailangang ulitin ang kanyang domestikong kinahinatnan bagkus ay nagkaroon sana ng matapang na pagpasya para sa sarili.

Para kay Miranda, nangyari na ang nangyari at pinilit niyang manatiling buhay habang sinasanay ang sarili sa kanyang papel ng pangangayupapa bilang asawa ng warlord, logging lord, gambling lord at cheating lord.

Kailangan niyang makipagbunuan sa kanyang asawa hinggil sa pangangaliwa nito at higit sa lahat, hinggil sa mga katiwalian nito sa bayan. Di niya man inaaming ginagahasa siya ng sariling asawa, batid niya ang kakayahan nitong magpatahimik ng tao.

Kaya naman kahit pa itinuring ni Miranda ang Opera bilang tahanan ng dangal, ang kapritsyong ito sa sining na nagkahalaga ng isang milyong piso mula sa kaban ng bayan ay nababahiran pa ng kapritsyo ni Big Boss Beloto sa politika. Sa huli, siya ay nanatiling asawa ng kanyang asawa at tuluyang nagbagong-anyo bilang kakutsaba.

Bilang babae, hindi nakita ni Miranda ang mga pagkakataon upang umalagwa sa kanyang kulungan. Bilang babae, hindi niya rin piniling angkinin ang kanyang karapatan upang makawala sa karahasang nararanasan. At bilang babaeng may sariling paninindigan, hindi niya piniling magpasya labas sa anino ng kanyang asawang baboy.

Ikatlong Dula: KAFATIRAN
Panulat ni Dingdong Novenario
Direksyon ni JK Anicoche
Tagapamahala ng Entablado: Adrienne Vergara
Disenyo ni Jan Leeroy New
Sound ni Teresa Barrozo
Mga Nagsiganap: Abner Delina, Marco Viana, Acey Aguilar at Ian Lomongo

Nilaro ng dulang Kafatiran ang konsepto ng lihim. May tatlong karakter mula sa lihim na kilusan ang lihim na nakahiwalay sa iba pang mga kapatid na katipunero at lihim na nakatipon lamang sa isang bahay dahil diumano sila’y mga “espesyal”: matalino ngunit nakakabaliw, malikhain ngunit maarte, matalas ngunit kakaiba. Hindi daw sila nababagay sa larangan ng digma ngunit napatunayan namang mahusay sa ibang paraan ng pakikipaglaban gaya ng pagsusuot ng salawal para makaagaw ng baril sa mga sundalong Kastila o kaya ay makatiktik sa mga guardia sibil sa pakinabang ng kilusan.

Hindi lubusang naunawaan ng batang si Antonio Corpus kung bakit siya pinasali sa pangkat na ito. Sinipat ng tatlo ang kanyang daliri, siko at talampakan at reaksyon sa ipis upang subukan ang kanyang katapatan sa “natatanging pangkat”. Sinipat din nila ang kanyang puso kung may pag-big itong tinitibok para sa labi ng kapwa… lalaki. Gamit ang wikang bakla, binigkas nila ang Kartilla ng Kafatiran bilang paglikha ng kolektibong identidad.

Todo ang pag-ariba ng dula sa gay lingo at paggalaw. Masaya ang pagtatanghal at sasakit ang iyong tiyan sa kakatawa ngunit may mga nakakabahalang usaping mainam na pansinin. Kailangang linawing nabuhay ang mga karakter sa dula noong ika-18 siglo at sa susunod na mga siglo lamang lubusang mapag-usapan ang mga katanungan hinggil sa babae at kasarian. May mga konseptong tinalakay sa dula kung saan naghalo ang balat sa tinalupan.

Una, ipagpalagay nang hindi napag-usapan sa loob ng Katipunan ang pagiging bakla, ang pinakita ng dula na pag-isolate sa mga tauhan ay mapanghati imbes na mapangkabig na taliwas sa prinsipyo ng Katipunan na “kung iisa ang ating luha, tayo ay magkapatid”. Sinasabi nitong kung pareho tayong inaapi, parehong nasawi, parehong umaasam, parehong may minimithi, tayo ay nasa iisang laban. Malabong hindi pasasalihin ng Supremo ang mga bakla sa digmaan dahil lamang sa pagiging bakla nila.

Ikalawa, hinggil sa papel at responsibilidad na ginampanan ng bawat isa sa loob ng kilusan. Binanggit ng isang bakla na pakiramdam niya, “Tinandang Sora” siya at mistulang taga-alaga lamang ng mga anak ng Katipunero. Ang Katipunan ay isang kilusang sumiklab para sa pambansang kalayaan at upang maging matagumpay ang harapang pakikipagbarilan o pagsugod hawak ang sundang, may iba pang mga gawaing kailangang tugunan ng sinumang may kayang tumugon dito. Hinayaan si Tandang Sora na maging tagapag-alaga ng mga sugatang Katipunero hindi dahil matanda at mahina na siya. Bagkus, kalakasan niya ang magawa ito nang swabe bilang lolang nag-aalaga ng mga apo. Hindi simpleng pinagkunwaring babae ang ilang katipunero dahil mahina sila. Bagkus, ito ay isang malakas na taktika at ligtas sa harap ng mga kaaway.

Ikatlo, hindi binanggit sa dula na may mga kababaihang miyembro ng katipunan ang tahasang humawak ng armas at nakipaglaban. Hindi rin pinagtuunan ang ideyang kung sa panahon na iyon ay may mga magsasakang bakla, imposibleng hindi siya marunong gumamit ng sundang na naging dahilan ng kanyang pagbagsak sa pagsubok ng kilusan para sa mga gustong sumali.

Ikaapat, ang gamit ng mga salitang “lihim” at “ligtas”. Iba ang sinasabing lihim na katangian ng Katipunan dahil nag-iipon ito ng lakas para tuligsain ang pananakop at pang-aapi. Ang paraang ito ay aktibo at hindi pasibo gaya ng paggamit ng lihim bilang lihim na pagkatao (kloseta). Ang katangiang ito ay nagiging salik upang hindi lubusang makalipad ang isang indibidwal o kaya ay maging produktibo. Ang kubong kanilang pinagtipunan ay isang tampipi kung saan naging komportable sila at ligtas mula sa mababang panghuhusga.

Bagamat may mga malabong bahagi, malinaw naman ang layon ng mga tauhan: “Ang pantay na pagturing sa bawat Pilipino anuman ang kanyang uri”. Mahusay rin ang metapora ng pag-a-out kasabay ng pagputok ng rebolusyon: “Ang ating paglabas ang unang hakbang para sa ating kalayaan”.#

Advertisements

About Joanna Lerio

cultural journalist, multidisciplinary artist, educator, traveller, dreamer, yogini, vegetarian, advocate Facebook.com/JoannaLerioOfficial Youtube.com/juanalily Juanalily.wordpress.com/ Juanalilytravels.dreamtrips.com/refer Twitter.com/JoannaLerio Facebook.com/linanganng.kulturangpilipino Artistswelfare.org/join-us/
This entry was posted in Rebyu, Teatro and tagged , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s