Mga Realidad sa Entablado ng La Salle: Rebyu ng Dula Salle 2012


Rebyu ng Dula Salle 2012
Produksyon ng Harlequin Theater Guild
Halaw sa maiikling kwento ni Genaro Gojo Cruz
Direksyon nina Antonette Go, Noriel Ramos, Andrea Villaflor at Zoe delos Santos
William Shaw Little Theater, De La Salle University Manila
Agosto 1 – 4, 2012

Ang Dula Salle ay taunang festival ng maiikling dula handog ng Harlequin Theater Guild katuwang ang De La Salle Culture and Arts Office. Tampok ngayong 2012 ang Realidad: Ang Pigtas kong Tsinelas, Mcdonaldisasyon, Posporo at Anak ng Bayan. Napanood ko ang pagtatanghal sa hapon noong Agosto 3, 2012.

Nagsimula ang palabas sa isang panalangin ng pag-aalay at paghiling ng patuloy na “gabay para sa mga nasalanta ng bagyo at para sa kapwa estudyanteng manunood upang mamulat hinggil sa realidad ng lipunan at ng mga ordinaryong tao”. Gawa ng malakas na pag-ulan bunsod ng hanging habagat sa nakaraang linggo at sinundan naman ng bagyong Saola, apektado ng pagbaha ang Manila maging ang mahigit siyam na kalapit na probinsya. Habang tuloy-tuloy ang malakas na pag-ulan, tumpak lamang na alalahanin ng mga mag-aaral ng La Salle, mula sa kanilang komportableng tahanan at institusyon, ang mga kababayang nasalanta. Ang pag-aalay rin ay nagsilbing paunang pagpapabatid ng layunin ng organisasyong naglunsad ng produksyon: ang pag-antig sa sensibilidad ng mga manunood at pagmulat sa kanila hinggil sa ilang mga panlipunang realidad. Sa pagtapos nga ng pagtatanghal, binanggit ni Genaro Gojo Cruz na bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang realidad. Ang mga tauhan sa mga kwento ay aktwal na kanyang nakasalamuha sa iba’t ibang panahon. Batid niyang ang kanilang mga kwento ay taliwas sa realidad ng karamihan ng bawat estudyante ng La Salle at naway magsilbing inspirasyon sa kanila upang kumilos para sa pagbabago.

Karahasan sa Kalye, Paggawa at Migrasyon

Napakabulnerable ng kalagayan ng mga batang maralita ng lungsod na umaabot sa mahigit-kumulang 40,000 sa Maynila. Talamak ang kanilang presensya sa kalye bilang manlilimos, mambabakal, tagalinis ng sapatos o kaya ay nagpapagpag, nagbebenta ng sampaguita at gumagawa ng tulay-lakaran tuwing tag-ulan. Karamihan sa kanila ay wala nang mga magulang. Ang iba naman ay may munting tahanang mauuwian gaya ng Bata sa Ang Pigtas kong Tsinelas.

Ulila sa Tatay, katuwang niya ang kanyang masakiting Inay sa pakikipagbunuan sa buhay. Bagamat hindi na nakapag-aral, masayahin ang Bata. At wala siyang ibang pangarap kundi ang gumaling ang kanyang Inay. Nanghihina na ito ngunit maaasahan ng anak na mayroon siyang tagakumpuni ng kanyang pigtas na tsinelas.

Para sa bida, mahalaga ang tsinelas sa kanyang umulan-umaraw na pakikipagsapalaran sa kalye bilang nagtitinda ng basahan. Kaya naman, buong puso niya ring pinahahalagahan ang kanyang Inay. Sa pambungad na eksena, ang Bata ay gumawa ng isang ritwal. Kasama sa paggalaw at pag-awit ang mga kasangkapan sa bahay, paulit-ulit niyang sinambit: “Sinsintok-sigsigpa-ay. Galing na sakit ni Ina-ay.”

Sabi ng kanyang Inay, “Di na baleng magbenta ka ng basahan kaysa manlimos”. Ang kanyang malaking pinagtatakhan, bakit sa turing ng iba, “kapag nagbebenta ng basahan, madumi na? Pag marungis, pulubi na? Pag batang kalye ka, masama ka na agad o kaya ay madumi?”

Bagamat dalisay ang ganitong paunawa ng isang Ina at ng mga katanungan ng isang Bata bilang mga pahayag laban sa penomena ng pagkaroon ng diskriminasyon kaugnay ng kahirapan at kagutuman, nagbukas din ang dula sa isa pang realidad: may mga batang natutulak sa pagkalulong sa gangsterismo at hindi na iniinda ang salitang “marangal”. Kapwa mga batang kalye rin ang kumuha ng kita ng Batang bida at dahilan din ng pagkapigtas muli ng kanyang tsinelas. Matapos ang buong araw na pagkayod sa kalye, nawala na lamang na parang bula ang kanyang pinaghirapan.

Ang higit na masaklap, sa kanyang pag-uwi, natuklasan niya ang tuluyang pagpanaw ng kanyang Ina. Mula pisikal, naranasan rin ng Bata ang emosyonal na karahasan mula sa sunod-sunod na malubhang pangyayari. Sa kanyang huling ritwal, hiniling niya ang tulong ng mga kasangkapang nakapaligid sa kanya na ngayo’y mistulang kasangkapan: walang buhay.

Sabi ng Bata, “Paano na ang tsinelas ko? Tulungan n’yo ako. Bakit di kayo gumagalaw? Sinsintok-sigsigpa-ay. Gagaling pa di ba ang Ina-ay?” Sa huling awit na ito, hinihiling sa mga manunood ang paghalili sa papel na iniwan ng kanyang Inay.

Tahasan namang pinakita sa mga dulang McDonaldisasyon at Posporo ang karahasang nararanasan ng mga kontraktwal na manggagawa sa sektor ng serbisyo. Si Louie ay isang working student. Napilitan siyang magtrabaho mula nang nawala ang kanyang Ama at nabaon silang mag-Ina sa utang. Pinakainaabangan niya ang araw ng sahod para may pangkain silang mag-Ina at may pambayad-utang. Masikhay siyang umaangkop sa anumang hinihiling ng kanyang trabaho, gaano man ito kahirap at kahit pa umaabot ito sa puntong naaagrabyado na siya at tinatawag sa kung anu-anong pangalan: mahina, mabagal, bobo, tanga o kaya’y di marunong makihalobilo. Bawat di sinasadyang pagkakamali ay kaltas sa kanyang duty hours at sweldo.

Sa kabila ng lahat, tinutugunan niya ang obligasyong entertainer ng gaya niyang service crew sa araw-araw na masiglang pagbati sa mga kostumer: “Goodmorning Mam-Ser! Welcome to Wenobee! Burger? Ketchup? Softrdinks? Kahit ano pa’ng gusto n’yo, lahat kakayanin. Pagsisilbihan kayo, 24/7.”

Nagtagpo ang eksena ng dahas sa kalye at sa paggawa. Polisiya mang nakasulat o hindi ng mga food chain at restaurant ang pagtaboy sa mga pulubi, ito ang nakagawian ng mga kumpanya. Sa tingin ni Louie, ito ay mali dahil ang pulubi gaya ng batang napadpad sa Wenobee ay tao pa rin. Hindi nila karapatang magkalkal ng tira-tirang pagkain. Bagkus, karapatan nilang kumain. Nakatagpo ang Batang Pulubi ng kaibigang lobong nakuha niya sa isang birthday party. Pinangalanan niya ang lobo ng Steve. Sabi niya kay Louie: “Kaya niya ako tangayin hanggang langit. Doon, maraming pagkain, kalaro atsaka, nandun si Tatay ko”. Bagamat pareho silang wala nang Tatay, praktikal ang tugon ni Louie: “Ayoko pang pumunta ng langit. Ayokong iwan ang Nanay ko”.

May binhi ng pag-asa at pagbabago sa tugon ni Louie. Kinalimutan niya na ang sariling pangarap ngunit may pangarap siya para sa kanyang Inang si Esther: ang magkaroon ng sariling tindahan ng chicharon para di na nito kailangang maglako. Simple at dalisay na pangarap ngunit kung iisipin, mabigat ito para sa isang kabataang ipinagpalit ang kanyang luho at plano bilang indibidwal.

Gaya ng iba pang manggagawa, kinasasabikan ni Louie ang araw ng sweldo bilang malutong na unang sahod sa tuwina. Matapos ang ilang buwang pagtitimpi, pagpapalampas at pagtitiis, nawala sa isang iglap ang kanyang buong sweldo, kasama ng kanyang katawang lupa. Isang saksak tulak ng kawalan ng trabaho at pagkain sa hapag, napugot ang hininga ng isang manggagawang simple lamang mangarap.

Sa huling eksena, sinalubong si Louie ng Batang Pulubi kasama si Steve:“Ama namin, puno ka ng awa. Iyong pakinggan, aming dalangin. Iyong tanggapin sa iyong piling ang kanyang kaluluwa. Hanggang saan, hanggang kailan, sa iyo’y umaasa. Sa piling mo’y makakaramdam ng ginhawa.”

Paulit-ulit din itong sinambit ng Korus na tila isang litanya ng katanungan: bakit kailangang sa kabilang buhay lamang mararamdaman ang langit at hindi sa lupa habang buhay pa ang isang dukha?

May pagkahalintulad ang karanasan ni Louie at ni Sally Manlapaz sa dulang Posporo bagamat dahil babae siya, doble ang pagsasamantalang dinanas niya. Kailangang siya ang magtrabaho habang ang kapatid niyang lalaki, si Ruben, ang nag-aaral. Nagtratrabaho siya bilang saleslady ng Show World, kung saan patakaran ang tapalan ang kanyang mukha ng make-up upang magmukhang “pleasing at hindi tindera”.

Pangarap niya talagang maging sales lady ngunit sa araw-araw, gabi-gabing eksena ng komersyo sa Show World, unti-unting napapawi ang kanyang pangarap at minsan pang sinambit na “hindi ko na yata kaya”. Sa ngalan ng kanyang kapatid at kanyang Ina, bumabangon siya sabay pumalakpak sa katangiang manhid: “Happy to serve!”

Sa ngalan ng Show World kung saan ang sales lady ang extensyon ng panlilinlang ng kumpanya at gaya ng sunod-sunurang manikin, sa tuwina’y masaya niyang sinasambit ang pamilyar na tagline ng SM: “Happy to serve!” Clap-clap-clap. “Happy Shopping! We got it all for you”. Magreklamo man ang isang kustomer hinggil sa produkto, siya ang nananagot. Magreklamo man ang kustomer hinggil sa kahungkagan ng sinasabing “sale”, siya ang nananagot. Magreklamo man ang isang kustomer hinggil sa kawalan ng produkto taliwas sa sinasabi nitong “We got it all for you”, si Sally Manlapaz ang nananagot. Pinagtutulungan siya ng mga kustomer at ng sariling manager sa bansag na “mahina, mabagal, bobo, tanga”. “Anino mo lang ang iyong kakampi, sabi nga ng korus. Hindi siya magnanakaw o bomber ngunit sa tuwing papasok-lalabas siya ng Show World, kailangan siyang kapkapan. Sa ngalan ng kanyang Kapatid at kanyang Ina, nagtitimpi siya at nagtitiis.

Ang karanasan ni Sally ay karanasan ng maraming saleslady at manggagawang kontraktwal ng mga higanteng kabute gaya ng SM na isa lamang sa 42 malls na pagmamay-ari ni Henry Sy. Sa unang kwarto ng 2012, nagtala ang korporasyong SM ng P11 bilyon halagang kita mula sa negosyo nito gaya ng mall (Forbes 2012 data). Hindi binanggit sa dula na ang malaking tipak ng kitang ito ay likha ng kanyang manggagawa ngunit ang malinaw, hindi natatamasa ng mga manggagawa ang bunga ng kanilang pinaghirapan. Minsan pang tinanong ni Sally ang kawalan niya ng “freedom to shop”bagamat araw-araw siyang nasa mall. Sinasabi ng malinis niyang uniporme na maayos ang pasahod sa kanya at pagtrato o kaya’y ang gaya niya ay hindi nangangamba sa endo. Sa ngalan ng kanyang Kapatid at kanyang Ina, pinagtiyatiyagaan niya ang animo’y limos na sahod: “Happy to serve!”

Sa parehong dula, may pasakalye naman ng kwentong dahas sa paggawa at sa migrasyon. Dumating ang balitang patay na ang kanyang Inang nakipagsapalaran sa Taiwan upang makapagkolehiyo diumano si Ruben. Ang pag-uwi ng isang OFW o OCW bilang bangkay ay isang realidad ng kawalan ng proteksyon sa ibayong dagat ng mga migranteng manggagawang Pilipino.

Sa pagkawala ng kanyang Ina, nawalan rin ng saysay ang pagtitiis ni Sally kaya’t naisipan niya ring bumangon upang makasama muli ang kanyang Ina. “Nay, huwag kang mabahala. Magkakasama din tayo. Giginhawa din tayo”, banggit ni Sally habang nililiyaban ang sarili at ang mga maniking kasangkapan ng establisyemento.

Ang resolusyong ito ba ay pananahimik o isang porma ng protesta? Sa isang pag-unawa, ang ginawa ng bida ay suicide at maaaring ituring na pagsuko ngunit nilaro ng dulang Posporo ang konsepto ng pagbangon bilang aksyong positibo at aktibo. Noong una, ipinakita ito sa masiglang pagsalubong ng bida sa bawat bagong umaga. Sa huli, ipinakita ito sa pag-alay ng sariling buhay sa benepisyo ng marami pang iba. Sa ngalan ng katarungan at prinsipyo, maaari ring tingnan ang pagsunog ng sariling katawan bilang isang marangal na tradisyon sa Asya.

Kabalintunaan ng Buhay

Tinalakay ng huling dula ang karapatan ng bata sa edukasyon. Mahirap pumasok sa pamantasan ng La Salle. Sa entrance, kailangan mong i-swipe ang iyong mukha. Ito ang identidad ng kakayanang makapagbayad ng mahal na tuition gaya nang sa La Salle. Sa larangan ng edukasyon, may pader na naghahati sa pagitan ng mahirap at mayaman gaya ng ipinakita ng dulang Anak ng Bayan.

Sa walang malay na mga estudyante, ang turing nila sa pader ay proteksyon habang ang turing naman ng mga Batang Balintawak na nasa kabila ng pader ay mga preso sa isang presuhan. Samantala, silang nasa lansangan ay mayroong kalayaan. At dito rin sila nahuhubog at naututo. Ipinahayag ito ng mga Batang Balintawak sa kanilang rap:

Dito sa lansangan / Mayroong kalayaan / Dito ang aking tahanan / handa kang mabatukan / Hindi kami iiyak. / Sanay kaming lumaban. / Lampas ng pader ay ang katotohanan / ang tunay na buhay / Dito sa paaralan / Tinuturuan ba naman kayong lumaban? / Hoy, mga bata sa likod ng pader / Bakit kayo nandyan at kami, nandito / Nandito kami at kayo’y nandyan / Eh, lamang lang naman kayo / Ng isang paligo lang naman / Kung mayroon kang natutunan diyan / Sagutin ang aming katanungan

Samantala, may tanong sa sarili ang mga Batang Balintawak: “Aakyatin ba natin ang pader o titibagin? Baka yang kulungang yan ay masisilungan”. May pagsubok silang tibagin ito ngunit lumabas ang isang ‘batang preso’ at nagbukas na maging guro nila habang natututo din siya sa kanila:

Kapag may gusto, may paraan / Walang imposible kung magkakasama / Akyatin natin ang pader / Sabi ng iba, (masyado itong) ambisyoso / Masyadong mataas / Karapatan, karunungan / Kapayapaan, posibleng makakamtan / Kabataan ang pag-asa ng bayan / Bagong kabataan siyang pag-asa ng bayan / Iisang hangarin, iisang lakbayin / Magkakasama sa ating dalangin

Ang dula ay mabisang pangwakas ng festival dahil nag-iiwan ito ng pag-asa at kahit papano’y naibsan ang mabigat na pakiramdam mula sa natunghayang sunod-sunod na mga trahedya ng naunang tatlong dula. Nagwakas ang mga ito sa kamatayan ng bida o kaya ay ng taong pinakamamahal ng bida samantalang ang huli ay nagtapos sa paglikha ng isang bagong kalagayan kung saan ang mga tauhan, ang Mga Batang Kalye at mga Batang Maykaya, ay nagtagpo upang baklasin ang harang ng kanilang pagkakaiba sa pananamit, pananalita at higit sa lahat, sa pananaw sa buhay. Tanggap ng Batang Maykaya na hindi sapat ang kanyang natutunan sa loob ng apat na sulok ng paaralan habang ang mga Batang Kalye ay bukas na matutuo mula sa mga aklat bagamat kabisado na nito ang batas ng buhay mula sa pakikipagsapalaran sa kalye. Batid nila pareho na karanasan pa rin ang tunay na paaralan ng pagkatuto at mas maginhawa ang buhay kung may pagtutulungan.

Imbitasyon sa Manunood: Pakikipag-kapwa at Kawanggawa

Sa apat na dula, namutawi ang halaga ng isang kaibigan sa pagharap ng kahirapan at ng mga problema. Sa isang Batang nawalan ng buong araw na kita at muling napigtasan ng tsinelas, malaking kalubagan ng loob ang presensya ng kanyang Bestfriend na nakatira sa kariton. Sabi niya, “Sa tuwing tumitingin ako sa langit, parang nawawala ang problema. Bawat bituin, may binabantayang tao sa mundo. Tingnan mo lang yan, gagabayan ka rin niyan sa pag-uwi mo”. Tuluyang naulila ang bida sa pagkamatay ng kanyang Ina. Bagamat malungkot ito bilang katapusan, mauunawaang hindi siya mag-iisang sasabak sa buhay dahil mayroon siyang Bestfriend.

Sa ikalawang dula, si Louie ay humugot ng inspirasyon sa isang batang pulubi habang ang kanyang Ina ay may kumareng palaging umaalalay sa nabalo. Sa ikatlong dula, si Sally Manlapaz ay napapalibutan ng kapwa manggagawang di lamang katrabaho kundi kaibigang karamay rin kumbaga sa hirap at ginhawa bagamat sa huli, pinili ni Sally na huwag sumaklolo sa kanila para sa suportang emosyonal.

Ang huling dulang Anak ng Bayan ay nagbukas sa mga manunood ng isang paraan ng pagkakawanggawang hindi nakabatay sa pera gaya ng pag-aalay ng panahon upang makasalamuha ang mga nangangailangan, pakikinig sa kanila at bukal sa loob na pagbabahagi ng kakayahang kaalaman at materyal.#

Advertisements

About Joanna Lerio

cultural journalist, multidisciplinary artist, educator, traveller, dreamer, yogini, vegetarian, advocate Facebook.com/JoannaLerioOfficial Youtube.com/juanalily Juanalily.wordpress.com/ Juanalilytravels.dreamtrips.com/refer Twitter.com/JoannaLerio Facebook.com/linanganng.kulturangpilipino Artistswelfare.org/join-us/
This entry was posted in Rebyu, Teatro and tagged , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s