Pagtatag ng Dinastiya 101: Rebyu ng Walang Kukurap


walang-kukurap-226x300Rebyu ng Walang Kukurap
Produksyon ng Tanghalang Pilipino
Direksyon ni Tuxqs Rutaquio at Panulat ni Layeta Bucoy
CCP Tanghalang Huseng Batute, Setyembre 14-27, 2012

Inilathala rin sa Pinoyweekly Online Magazine Oktubre 16, 2012

Uminog ang dula sa isang maliit na bayang pinapatakbo ng iilang pamilya ng politiko at negosyante. Ito rin ay komplikadong mundo kung saan ang buhay at kinabukasan ng tao gaya ng mga botanteng konsumer ay sugal na o kaya ay tustado na habang ang mga politiko, mga kaanak at galamay nito ay walang ibang tinatahak at tatahaking landas kundi ang landas na naituwid na ng apilyedo, pera at dahas. Dito, ang tiwala ay batay sa katiwali at ang kamulatan ay batay sa pagiging bulag o bulagbulagan. Samantala, ang pagkakaibigan ay nasusukat batay sa napagkasunduang makasariling interes. Sa ganitong paaralan nahuhubog ang mga anak ng politiko at negosyante upang mapanatili ang kapangyarihan sa maliit na bayan.

Bumungad ang entabladong may dalawang palapag. Sa disenyo pa lamang ng set (Jerome Aytona), nagbigay na ito agad ng impresyon ng antas: may mataas at may mababa sa lipunan. Ang itaas ay madilim at walang ibang palamuti. Sa pagpapalit ng mga eksena, nagsilbi itong lagusan, kuwarto, hardin o kaya ay tanghalan ng awit (Gloc 9 bilang espesyal na panauhin) at ng privilege speech. Ang ibaba naman ay madilim din at may kompartamento na tila rehas na bakal. Minimal set pieces lamang ang gamit habang ang flooring ay may disenyong tila mapa ng Pilipinas. Kapag nakatayo dito ang mga tauhan sa dulang mayorya ay may dugong politiko, nakaapak sila sa mapang ito at ramdam ang kanilang dominasyon sa mababang palapag, maging sa mismong mababang kinatayuan ng ordinaryong tao. Sa ilang pagkakataon, nagmukhang patak ng dugo ang flooring, isang nakabuyangyang na ebidensya ng dumi at baho ng larangan ng politika sa bansa.

Sa unang eksena, ang ibabang palapag ay nagsilbing garahe at palaruan ng mahjong ng nabalong si Christina (Suzette Ranillo), angkang Medina. Kasama sa manlalaro ang mag-asawang Perez na sina Molong (Crispin Pineda) at Purita (Sherry Lara), ang hari ng casino at bar na si Alex (Ced Torrecarion) at ang druglord na may-ari ng Lumber at Hardware Store na si Lu (Jonathan Tadioan). Ang laro ay karaniwan nang libangan ng mga magkaalyado ngunit sa pagkakataong ito ay nakapakete sa pagdiriwang ng pagtatapos ng kursong Pilosopiya ng anak ni Christina na si Mirra, habang pinapasinayaan din ang balak nitong magpatuloy ng Law, pangarap na ginawang isa sa mga bitag kay Christina upang tumakbo bilang vice-mayor ni Molong sa partido. Gaya ng mga nagaganap sa Wakwak at iba pang golf course, sa mahjong rin naganap ang negosasyong dalawa lamang ang pagpipilian: pera o bitay? Ang pagtabas kay Lu bilang traydor sa halagang P100M at pakikipagkutsaba diumano nito sa kalaban ng partido nila na si Melba, angkan rin ng Medina, ay tandang pandamdam sa kakayahang pumatay ng kapwa ng itinuturing na mga“kaibigan”.

Habang kinatay si Lu ng mga kumpadre sa politika’t negosyo, ibinato ang linyang “Wag kang kumurap. Wala kang nakita. Wala kang narinig.”Nakatuon ito kay Christina upang makabisado nito ang batas ng maduming laro ng politika, matuto siyang makipaglaro at sa huli’y mailigtas ang sariling kapakanan. Kapwa testigo at biktima ang katangian ng katauhan ni Christina.

Matatandaang ang “Wag Kukurap” ay naging popular na islogan sa kampanyang Oust Erap noong taong 2000 dahil sa mga anomalya, eskandalo at mga kaso ng pandaraya at pagnanakaw sa kaban ng bayan ng napatalsik na pangulo. Nakatuon ang islogan pangunahin para sa taumbayan upang maging alerto at huwag pumayag na madaya muli. Dahil nabanggit na ang pamagat, pakiramdam ko’y tapos na ang palabas sa unang eksena pa lamang ngunit sa pagtuon ng islogan sa tauhang nasabak sa politika dahil karugtong ng kanyang apelyido ang apelyido ng kanyang asawa, aabangan mo ang susunod na mga pangyayari. Sa paanyaya rin ng patay-sinding ilaw (Katsch Catoy), nasasabik kang alamin ang mga pagpihit o kaya ay ang mga posibilidad na kahinatnan ng iba pang tauhan.

Sa palabas, ang mga manunood ay testigo rin sa karumaldumal na kaganapan sa dula. Ipagpalagay na ring ang mga manunood ng CCP ay mga biktima ng pang-aabuso sa kapangyarihan ng iilan sa labas ng tanghalan sa alinmang paraan at pagkakataon. Ang pagsirit at pagdanak ng dugo kaakibat ng korupsyon at politika ay karaniwan nang eksena sa totoong buhay at ang makita ito sa entablado ay nagdudulot ng isang sopistikadong danas sa marahas na karahasang ayaw mong maranasan mismo sa aktwal bilang biktima man o testigo o kaya’y ayaw mong amining totoong naganap at nagaganap gaya halimbawa ng Ampatuan Massacre.

Habang niluluto ng kanilang mga magulang ang kinabukasan ng nayon, pinag-usapan naman ng mga anak nilang kabataan ang kanilang bukas. Ano pa nga bang kailangang problemahin ng mga anak ng may kapangyarihan pagdating sa karir at pag-ibig samantalang plantsado na ang mga ito bago pa man sila isinilang? Bitbit nila ang komplikasyon ng sakit na sadyang nilikha ng mga nauna sa kanila sa ngalan ng dinastiya.

Ipinapalagay na ang sumunod na eksena sa bar ay naganap sa parehong panahon ng pagkatay kay Lu sa garahe ng Medina. Dito sa bar, naroon ang mga tagapamana ng pangalan at posisyon: sina Dino Perez (Ralph Mateo) at Mirra Medina (Delphine Buencamino), sina Santiago Jr. (Nicolo Magno) at SK Chair Gutierrez (Nar Cabico) at ang mga kababatang sina Marky Medina (Marco Viaña), Vic (Remus Villanueva) at Pong (Jovanni Cadag). Nakatali sa upuan ng kabalintunaan ang mga tauhang magkasama sa bawat mesa. Bagamat nasa iisang partido ang mga magulang ng magkasintahang sina Mirra at Dino dahil pawang mga anak ng contending mayor at vice-mayor, ang pamilyang Perez ay isa ring pinaghihinalaang mastermind sa pagpatumba sa tatay ni Mirra. Si Santiago Sr. (Nonoy Froilan) at ang ina ni Gutierrez na si Doray (Doray Dayao) ay magkaribal sa posisyong mayor. Bilang direktang salinlahi ng mga politiko, karaniwan na sa kanila ang wika ng lamangan, gantihan at kasiguruhan. Ang masaklap, ipinagkanulo nila ang pag-iral ng sinasabing political dynasty sa kanilang nayon. Aksidenteng napatay ni Marky si Pong sa girian nina Dino at Santiago Jr. nang tinangkang pumorma nang huli: away ng magkaribal sa magkaribal ngunit si Marky ang naipit gaya ng pagkaipit ng kanyang inang si Christina sa away ng mga boss.

Simpleng may-ari ng sari-sari store si Christina. Minsan pang naglako ng Avon at Sarah. Hindi naghihirap pero hikahos rin na pinatindi pa ng sunod-sunod na tunggalian: ang kontrobersyal na pagkamatay ng kanyang asawang si Mario, ang sakit sa tumor ng kanyang Papang (Lou Veloso), ang pangarap na abogasya ni Mirra at ang pagbili ng hustisya sa pagkamatay ni Pong. Masasabing kapit sa patalim ang pagsugal niya sa halalan ngunit para sa kanyang Papang, ito ay pagsadlak niya sa sarili upang maging “isa sa kanila…mga mistulang hayop sa katawang-tao.”Tinusok ni Papang ang kanyang leeg sa pamamagitan ng tinidor dahil hindi nito masikmura ang transpormasyon ng anak mula sa Christinang nangarap magkaroon ng katahimikan sa bayan tungo sa isang halimaw na makasarili, bulag-bulagan at manloloko.

Sa mga eksena ni Alex, kapansin-pansin ang konsistent na pagkumpuni nito ng anumang bahagi ng bahay ni Christina habang kadiyalogo siya nito o kaya ay si Marky. Pinatitingkad ng aksyon ang papel ni Alex sa larangan bilang fixer, tagalinis, dirty finger at “master teacher”. Makikitang tagumpay niyang naihubog si Marky bilang amok-killer sa ngalan ng laro. Pinatay nito si Vic dahil tumistigo laban sa kanya at pabor kay Melba habang binaldado niya ang karibal na pinsang si Rhoda (Regina de Vera). Samantala, si Christina, bagamat tuliro sa maraming pagkakataon, sa huli ay naging mapagpasya sa pamamagitan ng pagpatay kay Alex gamit ang sariling baril nito. Ginawa ito ni Christina sa karakter na lesser evil dahil nais na niyang lumagay sa tahimik at hindi sa kontekstong tuluyan nang wakasan ang karahasan at dinastiya sa politika ng kanilang bayan.

Paano nga ba mawakasan ang dinastiya? Sa diskurso ng mag-inang Melba at Rhoda, binanggit nila ang pag-alis sa bayan at kalimutan na lamang ang pangalan. Ito nga ang ginawa ng mag-anak na Christina, Marky at Mirra bagamat nanatiling nakabitin kung ano na kanilang buhay pagkatapos.

Ang nabanggit na tanong ay hindi sinubukang sagutin ng dula sa kabuuan bagkus malinaw nitong ipinakita ang mga elemento ng pag-iral ng dinastiya: ang monopolyo sa mga negosyo, ang paglubid ng buhangin, ang panunuhol, ang fixed marriage, ang paglikha ng mga libangan para sa pansamantalang pagka-amnesya sa kahirapan ng simpleng mamamayan habang pinagkakakitaan nang limpak-limpak, ang pagbenta at pagbili ng hustisya, ang paggamit ng relihiyon at pagbihis na banal, ang paggamit ng midya sa pagpapaganda ng imahe at pagpapabango ng pangalan, ang sensura sa pamamagitan ng harassment at pagpaslang, ang pag-alay ng serbisyo bilang utang na loob, ang pagsasanay ng anak sa tradisyong bulok at ang pag-abuso mismo sa wika at damdamin ng masa sa pamamagitan ng swabeng pag-angkin dito.

Ang pagsawsaw ni Doray sa politika ay nakupot sa katatawanan bagamat tanging ang karakter niya ang magbibigay sana ng alternatibo sa pagpihit ng direksyon ng kalakaran sa kanilang bayan. Isang guro na mahilig magtanong at mag-aral, ibinunyag niyang illegal logging ang pangunahing dahilan ng pagkabaha sa kanilang lugar. Binunyag niya rin ang jueteng bilang panloloko sa mamamayan. Naniniwala si Doray na “mas magandang mamatay nang may dangal kaysa manatiling buhay na may ikinahihiya.”

Napilay si Doray at aksidenteng namatay na ayon kay Santiago Sr. ay divine intervention o kagustuhan daw ng Diyos na mawala sa mundo siyang may dalisay na layunin. Malabong susunod sa kanyang yapak ang kanyang anak na si SK Gutierrez (na napilay din) bagamat pinapangaralan niya ito. Mabuway ang karakter ni SK Gutierrez: natutunan niya nang mangupit mula sa budget ng pa-liga at natutunan niya na ring maging balimbing bilang pagkapit sa kapangyarihan.

Bagamat elitistang magsalita, ang kabataan at newbie sa politika na si Rhoda Medina ay may bahid ng pagiging makabago ngunit hanggang sa huli, nanatili siyang anak ni Melba at nabitag sa di tapos na nakaraan ng kanyang ina. Tanggap niya nang ang kanyang kursong Business ay nakatuon sa pagmonopolyo ng groserya sa kanilang lugar at ang kanyang pagtakbo laban kay Christina ay batay sa planong paghihiganti ng kanyang ina.

Si Mirra, bagamat may ugaling idealist ay natuto ring sumugal gamit ang kanyang katawan bilang babae. Samantalang si Dino ay anino lamang ng kanyang mga magulang. Gaya ng paraan ng pagtuturo ni Alex kay Marky, si Dino ay nahasa sa pagsulsi at pagtatahi na turo ni Purita sa pamamagitan ng pagsara ng mata, pagtakip sa tenga at pagtikom ng bibig. Samantala, si Santiago Jr. ay masugid na mag-aaral ng mapanglinlang na teorya at praktika ng kanyang ama. Ang kanilang sekreto: buksan ang mata sa bawat oportunidad.

Matingkad ang kawalan sa dula ng representasyon ng masang palaban. Ang tanging karakter na botante-konsumer sa dula ay si Aling Panchang (Peewee O’Hara) na namamasada ng tricycle ngunit siya ang tipo ng simpleng mamamayang bayad na ng sistema: payag siya sa jueteng, payag siya na wala nang kaso-kaso para sa namatay niyang anak, payag siyang tumanggap ng buwanang amot mula sa politiko kapalit ng pananahimik at determinado siyang sagasaan si Doray dahil sa pagiging anti-jueting nito. Siya rin ang tipo ng masang kailangang pagtiyagaan pang kabigin at mulatin upang imbes na magsalita sa panig ng trapo, mauunawaan niyang ang gaya ni Doray ay isang lider na handang manindigan para sa maralitang sektor at mga naaagrabyado. Malaki ang tiwala ni Doray sa taumbayan at kahit isa o dalawa lamang ang makaintindi sa kanya ay “malaking bagay na.”

Matapos ipakita at iparanas sa manunood ang paikot-ikot na mga komplikasyon at hindi resolbadong mga pangyayari, ibinunyag sa mga huling eksena ang salamankerong papel ni Santiago Sr. sa politikang pasugalan. Ipinahiwatig nito ang iba pang maskara ng trapo. Kaya niyang baliktarin ang mundo nang walang bahid ng dugo sa kamay. Nakikinabang siya sa away ng magkaribal na mga pamilya. Magaling siyang magturo at hindi nakikita ang sariling kabulukan. Master ng oportunismo at panghuthot. Pinakikinabangan niya maging ang baha bilang magandang pagkakataon ng pagpapakita ng mga imahe ng relief, rescue at maging ng sensational na paglusong niya sa baha kasama ng kanyang anak. Hindi makapagtatakang kabisado niya ang mga oportunidad o kaya ay madali niyang masipat ang mga ito bilang dating Costums. Kaibigan niya ang lahat: accountant, pedicab driver, SK, ang simbahan at kahit ang presidente ng bansa.

Sa palabas, hindi masisilaw ang mga botante sa marangyang bihis ng politiko ngunit mapapa-bilib sila sa husay ng kanilang pananalitang sadyang panghugot sa simpatiya ng masa dahil gamit nito ang wika nila. Ang pananalita ni Santiago Sr. ay tila musika ng malinis na konsensya. Katunayan, sa kanyang meeting de avance, kinopya niya ang pananalita ni Doray habang ang mga tagapakinig ay mistulang mga naglalakad na patay o kaya ay nagayuma sa kanya.

Nakakakilabot isiping kung sa aktuwal, marami pa rin sa mamamayan ang nagagayuma ng salita mula sa mga mapagpanggap na lider ng bayan. Sa tonong hindi kinukutya ang sarili, sinabi ni Santiago Sr. na mahirap makita ang mga nagpapanggap “dahil nagtatago sila… nakakubli sila sa likod ng emosyon… nagpapaawa… sa isang banda ay nananakot.” Hindi mahalagang malaman ng taumbayang namatay ang kanilang kababaryo sa pagguho ng Purity of the Soul Elementary School bilang collateral ng murang materyales na ginamit sa konstruksyon. Hindi nila kailangang usisain ang proyektong logging ng pamilyang Perez. Hindi nila kailangang kwentahin ang kinikita ng mga opisyales sa bawat 300 porsentong patong sa kanilang mga proyekto. Hindi nila kailangang malamang tauhan niya ang druglord na si Paquito (Lou Veloso). At hindi rin nila kailangang malamang balak niyang magtayo ng sariling dinastiya.

Mahalaga ang dula sa panahong ipinagpalagay na ang demokrasya ay nabawi na matapos ang diktaduryang Marcos sa kabila ng realidad ng karahasan kaugnay ng eleksyon, impunity sa maysala, kawalan ng katarungan sa mga biktima at pagkaroon ng mga sakunang bunsod ng tao. Nito lamang 2011 naipasa ang House Bill 5715 (Whistleblower Protection, Security and Benefit Act of 2011) na ayon sa mga naghain nito na sina Bayan Muna Rep. Teddy Casiño at Neri Colmenares ay isang hakbang upang maengganyo ang mga kawaning magsalita laban sa katiwalian ng mga nanunungkulan sa gobyerno. Hindi sapat ang Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) dahil unang-una, isang malaking katanungan pa rin kung uso sa mga trapo ang delicadeza at kung magpapakumbaba sila mismong aminin ang kanilang katiwalian. Sa pag-aaral ng Asian Institute of Management Policy Center, sa kasalukuyang kongreso, 70 porsyento ng mga nanunungkulan ay nagmula sa political dynasty habang dominado din nito ang mga tatakbo sa eleksyong 2013. Mula 1987, nanatiling papel ang mga inihaing Anti-Political Dynasty Bill sa senado at kongreso sa pasimuno nina Sen. Miriam Defensor Santiago, Sen. Alfredo Lim, Sen. Panfilo Lacson at Bayan Muna Rep. Casiño.

Sa dula, sinikong pinatay sina Papang at Doray, mga tauhang kumakatawan sa sinag ng pagbabago. Nais ipabatid ng palabas na suntok sa buwan ang mawakasan ang katiwalian, karahasan at dinastiya sa politika ngunit ang kalakasan ng pagtatanghal ay nasa masalimuot na banghay at tunggalian sa pagitan ng mga naghaharing uri sa lipunan. Nalantad ang isang ugat sa kahirapan at pagiging atrasado ng bayan: ang burukrata kapitalismo o ang pag-abuso sa posisyon bilang negosyo ng mga opisyal sa gobyerno. Kung kaya sa kabilang banda, ipinagkatiwala ng dula ang pag-aaral, pagiging kritiko at mapagpasya ng mga manunood sa posibilidad ng pagkaroon ng politikang tunay na nagsisilbi sa mamamayan.

Habang tinuturuan ng mga batikan sa sugal ng politika ang kanilang mga tagapagmana, naway hindi kumurap ang mga manunood upang labanan ito.#

Advertisements

About Joanna Lerio

cultural journalist, multidisciplinary artist, educator, traveller, dreamer, yogini, vegetarian, advocate Facebook.com/JoannaLerioOfficial Youtube.com/juanalily Juanalily.wordpress.com/ Juanalilytravels.dreamtrips.com/refer Twitter.com/JoannaLerio Facebook.com/linanganng.kulturangpilipino Artistswelfare.org/join-us/
This entry was posted in Rebyu, Teatro and tagged , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

4 Responses to Pagtatag ng Dinastiya 101: Rebyu ng Walang Kukurap

  1. Pingback: Cotabato Chronicle: Cultural Exchange with T’boli Indigenous People | ISLANG MALAYA

  2. Pingback: Cotabato Chronicle: Gensan by Day | ISLANG MALAYA

  3. Pingback: Cotabato from the Sky | ISLANG MALAYA

  4. Pingback: On May 13, 2013 | Rosalynde Blithe

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s