Free Ericson Acosta: Kalampag at Kalembang ng Bakal na Dibdib


Papel para sa PANPIL 210 Panunuring Pampanitikan sa gabay ni Prof. Teresita Maceda, Phd, Unibersidad ng Pilipinas – Diliman, AY2011-12.

This slideshow requires JavaScript.

Sinisikap marinig sa sanaysay na ito ang mga tulang atin, mga awit at maging ng mga liham para sa mga kababayan mula kay Ericson Acosta: manunulat, manggagawang pangkultura at tagapagtaguyod ng karapatang pantao. Nagsusulat si Acosta mula sa piitang mahigit isang taon nang kanyang tahanan: ang Calbayog City Sub-Provincial Jail. Ito ay bahagi ng panawagan para sa kanyang pagpapalaya at sa patuloy na pagsisiwalat ng mga kabuluktutan sa bansa sa kabila ng kondisyong paniniil gaya nang pagkabilanggo.

Bahagi ng kaakuhan ng kamalayang Pilipinong nais umaklas sa pang-aalipin ang mga isinulat ni Acosta na inilathala sa kanyang Jailhouse Blog <http://acostaprisondiary.blogspot.com/>.[1] Ang mga ito ay kalampag dahil kailangang ipabatid sa taumbayan ang hinaing ng mga nabilanggo gaya ni Acosta na piniling magsalita at kumilos para sa hinaing ng karamihan. Ito rin ay kalembang dahil kailangang malaman ng mamamayan ang bawat minutong pag-iral ng paglabag sa karapatang pantao bilang panunumbalik ng delubyong dinanas sa panahon ng batas militar sa ilalim ni Pang. Ferdinand Marcos. Ito ay kaakuhan sapagkat sa loob at labas ng piitan, nangyayari ang karahasan at paniniil sa iba’t ibang porma at antas[2].

Buhay sa Labas

Sa kanyang artikulong “Isang Pagsipat sa Sitwasyon ng Karapatang Pantao sa Silangang Kabisayaan”,[3] pinaglilimihan rin ni Acosta ang dahilan kung bakit siya naroon sa liblib na lugar ng Bay-ang kung saan siya dinakip ng mga sundalo. Personal ding tanong ni Acosta ang mga tanong ng publiko hinggil sa misteryo ng kanyang pagparoon mula sa bakuran ng Unibersidad ng Pilipinas at sa lansangan ng Maynila:

“Alam kong nag-iisip ang marami: Bakit dinakip ng militar si Acosta? Bakit siya ikinulong? Nasaang kasuluk-sulukan ng kapuluan ang barangay Bay-ang, at ano naman kaya ang pinaggagagawa roon ng isang makata at manunulat na gaya ni Ericson Acosta?

Sa katunayan, mga tanong ito na mahalaga hindi lamang para sa isang taong mausisa, o para lamang sa mga sektor na nakakikilala sa akin bilang isang aktibista at manggagawang pangkultura, at ngayon ay nananawagan ng aking paglaya. Mula sa aking karanasan ay nakita ko mismo na sadyang baluktot at mapanlinlang ang paghawak ng mga awtoridad sa aking pagkaka-aresto at detensyon – nakita ko mismo kung paano nagsabwatan sa pagyurak ng aking mga karapatan ang mga institusyon na inaasahan sana na magtatanggol dito. Kung kaya’t mga tanong din ito para sa sinumang may interes sa isyu ng karapatang pantao, laluna sa konteksto ng nagpapatuloy na kalunus-lunos na sitwasyon nito sa Silangang Kabisayaan, gayundin sa iba’t ibang bahagi ng bansa.”

Sabihin nang pangingialam hinggil sa kalagayan ng bayan ang ginawa ni Acosta ngunit ito ang tipo ng pangingialam na higit na kailangan laluna sa mga abandonadong pamayanan. Sa mata ng bayan, si Acosta ay isang concerned citizen ngunit sa mata ng estadong pinamumunuan ng asyendero, siya ay isang tulisan gaya ng pagturing mga mananakop na Kastila at Amerikano sa mga Katipunero, rebolusyonaryo at makabayang manunulat.

Laganap ang kahirapan sa Samar gaya ng iba pang probinsya. Sa kontekstong nakikinabang sa ganitong sitwasyon ang estado, ang radikal na pagkilos para wakasan ang kahirapan ay itinuturing na mapanganib. Samantala, ang pagiging politikal sa panig ng dukha ay itinuturing din bilang pagiging kriminal. Ang manipestasyon nito ay nakikita sa pag-iral ng mga kaso ng pang-aabusong militar: harassment at banta (death threats), panununog, pagtayo ng mga kampo militar, pambobomba, sapilitang pagkawala, pagkabilanggo at pamamaslang sa mga magsasaka at aktibista. Ang mga pangyayaring ito ay hindi isolated sa bawat isa kundi sang-ayon sa polisiyang anti-insurehensya ng gobyerno. Ang isla ng Samar ay itinuturing na pambansang prayoridad upong tupukin diumano ang mga radikal na pagkilos para sa pagbabago.

“Sa panibagong pagsisiwalat ng Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa kaso ng nawawalang aktibista na si Jonas Burgos, muling napatunayan na ang laganap na mga insidente ng pampulitikang pamamaslang at desaparesidos sa bansa ay sistematikong ipinatupad – at patuloy na ipinatutupad — ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang bahagi ng programa nito sa kontra-insurhensiya. Ngunit habang hindi pa nadidiin at napapanagot ang AFP sa libu-libong kaso ng abuso sa buong kapuluan, nananatili ang klima ng pangamba at takot sa mamamayan.

Habang umaasa ang karamihan sa pagbabago at katarungang ipinapangako ng bagong rehimen ni Pangulong Noynoy Aquino, patuloy ang hirap na buhay sa Silangang Kabisayaan. Kunsabagay, ang Rehiyon VIII ay rehiyon nga naman ng mga “Waray” (wala), ang etno-lingwisktikong grupo ng mga tao mula sa kulumpon ng mga isla ng Samar, Leyte at Biliran.

Napakatingkad ng lokal na kultura at tradisyon ng mga Waray, kung kaya halos hindi alintana ang trahedya ng atrasadong agrikultura at ekonomiya sa pang-araw-araw na buhay. Ngunit kahit nalilibang sa “tuba” (alak) at “kuratsa” (isang katutubong sayaw), ay nananatili ang katotohanan. Ang kawalan ng panlipunang hustisya ay pinalalala lamang ng mga natural na kalamidad. Dahil sa nakaraang tuluy-tuloy na pag-ulan, pinangangambahan ng lahat ang pagguho ng lupa sa Leyte na gaya ng nangyari sa Ormoc at St. Bernard. Sa mga bayan ng Catbalogan at San Jorge sa Samar, inasahan na rin ng mga magsasaka na lulunurin ng “apo” o baha ang kanilang mga pananim – nagaganap sa kanila ang sakunang ito, taun-taon sa loob na ng mahigit 50 taon.”

Karaniwang pangyayari na rin ang malawakang operasyong militar sa mga interyor na baryo at bulubundukin. Habang ipinagmamalaki ng AFP na “pulbos na” ang insurhensiya sa isla ng Leyte, itinuturing naman nito bilang pambansang prayoridad ang buong isla ng Samar. Ang dalawang isla ay hinagupit ng “huling hirit” ng malawakang militarisasyon na bahagi ng Oplan Bantay Laya II (OBL II) ng rehimeng Arroyo. Ang OBL II ay patuloy na ipinatupad ng rehimeng Aquino hanggang Enero 2011, bago ito pinalitan ng Oplan Bayanihan kamakailan. Sa Rehiyon VIII, ang “huling hirit” na ito ay tinaguriang “Operation October Left Cross” ng 8th Infantry Division (8th ID) ng AFP, ang dibisyon ng sandatahang lakas na siyang nakasasaklaw sa buong Silangang Kabisayaan.

Matinding abuso ang naranasan ng rehiyon sa ilalim ng OBL, kaya’t kahit pa ilang heneral na ang nagrigodon bilang hepe ng AFP at 8th ID, iisa pa rin ang mukha ng militarisasyon sa buong rehiyon. Wala pa ring ibang “kilalang sundalo” ang mga tao kundi ang tinaguriang “berdugo” na si Jovito Palparan.[4]

Sa ulat ng Karapatan[5], umabot sa 126 ang mga biktima ng pampulitikang pamamaslang, habang 27 ang naging desaparesido sa rehiyon sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Nangunguna ang istatistikang ito kumpara sa bilang ng mga biktima sa iba pang mga rehiyon sa Kabisayaan. Kabilang sa mga pinaslang ang mga kilalang aktibista at tagapagtaguyod ng karapatang pantao na sina Atty. Felidito Dacut, Dr. Bartolome Resuello, Atty. Norman Bocar, Rev. Edison Lapuz, Prof. Jose Ma.Cui at Fr. Cecilio Lucero

Patuloy ang intimidasyon ng militar sa mga aktibista at institusyong nagtataguyod sa karapatang pantao. Permanente ang pagbabanta ng mga sundalo laban sa Katungod-SB[6]sa pamamagitan ng kanilang programa sa radyo sa istasyong DYMS sa Catbalogan. Ang dating pangkalahatang kalihim ng Katungod-SB na si Atty. Kathrina Castillo ay nakatanggap ng mga banta o death threats sa pamamagitan ng koreyo nitong nakaraang taon.

Hindi na bago sa rehiyon ang masaker. Ang 19th Infantry Battalion (19th IB) sa Leyte ay tinagurian nang “Massacre Battalion” dahil sa sunud-sunod na mga kaso ng pamamaslang. Ikalawa na sa Kananga, Leyte ang kontrobersyal na kaso ng pagkamatay ng tanyag na botanistang si Leonard Co at ng kanyang istap, na naganap umano dahil sa isang engkwentro sa pagitan ng NPA at 19th IB nitong Nobyembre 2010. Ngunit gaya nina Co, malinaw na biktima ng sadyang pagpapaputok ng mga sundalo ang siyam pa na namatay sa Kananga noong 2003 – dangan lamang sila’y karaniwang mga magsasaka kung kaya’t hindi nabigyan ng sapat na atensyon mula sa midya. Noong 2005, siyam na magsasaka muli, kabilang ang isang buntis, ang namatay nang mag-istraping ang mga sundalo habang sila’y nagsasagawa ng “tiklos” (bayanihan sa pagtatanim) sa Barangay San Agustin, Palo, Leyte. Ang mga magsasakang nakaligtas mula sa malagim na masaker ay inaresto, at sinampahan ng gawa-gawang kasong kriminal upang mapigilan ang kanilang pagtetestigo.

Nagaganap din ang katulad na ilegal na pag-aresto sa mga pinaghihinalaang kasapi o tagasuporta ng New People’s Army (NPA). Kabilang dito ang kaso ni Dario Tomada, lider ng Samahan han Gudti nga Parag-uma ha Sinirangan Bisayas (SAGUPA-SB), ang alyansa ng militanteng magsasaka sa rehiyon. Si Tomada ay nakaligtas sa tangkang pamamaslang sa kanya noong 2005, at nagpasyang lumayo muna sa militarisadong rehiyon para sa kanyang seguridad. Inaresto si Tomado nitong Hulyo 2010 sa Biñan, Laguna at sinampahan ng 15 bilang sa kasong pagpatay kaugnay ng umano’y “mass grave” na nadiskubre sa Inopacan, Leyte. Mayroon pang mga kaso ng mga magsasaka na di-naiuulat ang pagkakakulong, may mga sibilyan na diumano’y nag-“surrender” at hinahawakan ng militar nang labag sa kanilang kalooban, at iba pang di-dokumentadong kaso.

Dahil sa aking ilegal na pagkaka-aresto at detensyon, umabot na ngayon sa 16 ang bilang ng mga detenidong pulitikal sa Silangang Kabisayaan. Gayunman, ang ganitong klase ng pang-aabuso – at higit pa – ay hindi na bago para sa mga magsasaka ng Barangay Bay-ang.[7]

Dahil sa dulot na panganib sa kanilang buhay, ang mga residenteng magsasaka ay bakwit sa sarili nilang bukirin. Naganap ang malawakang paglikas noong panahon ni Palparan at muli itong naganap nito lamang 2008 dahil sa pananakot ng 46th IB at sa mga “eksenang (pambobomba) tila hiniram lamang sa mga pelikula ukol sa giyera sa Vietnam”.

Samantala, tinatapalan ang mga kasong paglabag ng pansamantalang pampalubag-loob:

“Sa Samar, nadarama na ngayon ang pangakong pagbabago ng administrasyong Aquino. Nagbubuhos ng napakalaking pondo ang mga dayuhang institusyong gaya Millenium Challenge Corporation (MCC) para sa Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at para sa enggrandeng proyekto ng konstruksyon at pagpapaayos ng mga kalsada sa Samar. Madalas namin itong maging paksa sa pakikipagkwentuhan ko sa mga magsasaka sa mga baryo. Pero sa isang panayam, nakatitig lamang ang mga magsasaka sa kanilang putikang bota: “Diri man namon kinahanglan an karsada (Hindi namin kailangan ang kalsada),” anila. “An hangyo namon, hustisya (Ang hinihiling namin ay katarungan.)”

Maitatanong pa ba kung ano ang ginagawa ng isang makata at manunulat sa isang kasuluk-sulukang baryo na gaya ng Bay-ang? Marahil, ang dapat na nating itanong sa ngayon ay kung bakit mailap at ni hindi yata nakakadalaw sa mga lugar na tulad nito ang pinakahihintay na bisita na ang pangalan ay Hustisya.

Sinagot ni Acosta sa pamamagitan ng isa pang tanong ang hinggil sa puno’t-dulo ng kanyang pagparoon sa Samar. Hinangad niya lamang ang siya ring mismong hangarin ng mamamayan. Malinaw ding nailalatag ni Acosta ang kanyang obserbasyon hinggil sa malalang sitwasyon ng karapatang pantao hindi lamang sa Samar kundi sa buong bansa. Madarama ito sa kanyang tulang Isang Minutong Katahimikan (Ang Kabuuan) na i-nirekord bilang awit noong Disyembre. 6, 2011 sa unang paglunsad ng kanyang hunger strike:

Sa gitna ng pagtatalumpati
Ng nagdadalamhati
Ay may panawagan sa lahat ng kaibigan
Isang minuto ng katahimikan
Isang minuto ng katahimikan

Narinig ko
Ang pagpatak ng luha sa dahon ng makahiya
Narinig ko
Ang paglukso’t pagaspas ng ulilang langaylangayan
Narinig ko
Ang panghihinayang ng ama sa anak
Na ibinuwal nang walang kalaban-laban
Narinig ko
Narinig ko

Bagamat malungkot ang tono, hindi ito nalugmok sa kalungkutan. Bagkus, pinatingkad ni Acosta ang likas na mapanlabang kilos at diwa ng tao’t kalikasan:

At narinig ko
Ang buntong-hininga na nagpalangitngit sa kawayanan
Narinig ko
Ang pahayag ng pakikiisa ng mga kuliglig
Narinig ko
Ang pagmamalaki ng ina sa anak
Na hanggang sa huling hininga ay lumaban
Narinig ko
Narinig ko

At narinig ko
Ang pagbuhos ng ilog sa lawa at sa dagat
Ang paghampas ng alon sa bato sa mga baybayin
Ang takot sa dasal ng maysala pagkat
Dumarami pa ang mga lumalaban
Narinig ko
Narinig ko

Na—ririnig ko sa bawat pusong nagluluksa
ang yabag ng laksa
Nagbababala
Naririnig ko sa bisig ng api’t dalita
Ang pintig ng digma
Rumaragasa

Narinig ko na ngayun pa lang
O kay bigat ng pagguho
Ang muhon at pader
Ang Palasyo’t karsel
(Guguho, guguho, guguho)

Narinig ko na ngayun pa lang
O anung tapat na pangako
Na sa ating lakas
May paglayang wagas
(Pangako, pangako, pangako)

May panawagan sa lahat ng kaibigan
Kinabukasan ng kapayapaan

Bakal sa Bakal

Ipinagkanulo ng administrasyon ni Pang. Benigno Aquino III ang pagkaroon ng gaya ni Acosta na isang detenidong politikal.[8] Ito ay sa kabila ng tala ng organisasyong KARAPATAN na mayroong 385 detenidong politikal sa kasalukuyan at 107 sa kanila ay ikinulong sa ilalim ng dalawang taon pa lamang na panunungkulan ni Pang. Aquino.[9] Tahasang tinatanggi ng gobyerno ang paggamit ng dahas na buong-loob pa rin tinutuligsa ni Acosta sa tulang Astig (Hunyo 2012kahit kapalit nito ay ibayong kulata:

Nakadagan sa dibdib ko
Ang talampakan ng estado
Isang tambak ng mga bloke ng semento.

Nakadiin sa dibdib ko
Ang mga tuhod niya at siko
Ilang hilerang mga rehas na asero.

Naririto ang dibdib ko
Ito ri’y bakal at kongkreto
Hinding-hindi magpapadurog sa pasismo.

Pebrero 13, 2011 nang naglakbay si Acosta na tanging bitbit ay laptop at mga personal na kagamitan tungong bayan ng San Jorge, Catbalogan, Samar. Kasama ang isang opisyal ng barangay, ang araw na iyon ay isa na namang karaniwang araw ng pangungumusta sa mga magsasaka at pangangalap ng datos hinggil sa kanilang kalagayan bilang bahagi ng kanyang pananaliksik para sa organisasyong Kapunungan han Gudti nga Parag-uma ha Weste han Samar (KAPAWA / Small Peasants Association of Western Samar) at ng Alliance of Concerned Samareños (ACOS). Alas-diyes ng umaga nang hinarang siya at inaresto ng mga sundalo mula sa 34th IBPA sa pamumuno ni 2nd Lt. Jacob Madarang. Sa kabila ng kawalan ng warrant of arrest, dinala si Acosta sa 34th IB Charlie detachment sa Brgy. Blanca Aurora, San Jorge.

Ex-communicado sa loob ng 44 oras, sinalang siya sa interogasyon, koersyon at tortyur. Matapos ang 72 oras at 30 minuto mula nang siya’y iligal na inaresto, tsaka lamang siya inilitaw sa publiko at inakusahan ng iligal na pagmamay-ari ng pampasabog.[10] Samantala, ipinangalandakan sa midya ni Maj. Gen. Mario Chan, 8th ID kumander na iginalang nito ang karapatan ni Acosta habang nasa kanilang kamay.[11]

Buhay sa Loob: Hanging Mailap at Hanging Mayabang

Para sa mga preso ng Calbayog City Sub-Provincial Jail, ang dalaw at hangin ay iisa. Mailap ang hangin sa loob ng bawat maliit na seldang pinagsisiksikan ng humigit-kumulang 12 kosa. Makakalanghap ka lamang ng hanging walang singsarap sa pakiramdam kung ika’y makalabas ng selda sa oras ng dalaw at sa lingguhang “pribelihiyo” ng bawat selda na matamasa ang hangin sa may dalawan (visiting area) kung saan mayroong maituturing nang di nagdadamot na siwang at bintanang tanaw ang ulap kahit papano. Dagdag pang nasisilip ang ilang puno ng niyog na sumasayaw at nagpapatunay ng katotohanan ng hangin. Nakakapanabik ang magkaroon ng dalaw at ang makapanhik ng dalawan.

Ngunit paano kung ang dalaw ay hindi kapamilya kundi silang humuli sa’yo, nambugbog at nagparatang ng kung anu-ano? Hindi ito ang inaasahang hangin ng pansamantalang paglaya.

They’ve actually visited me twice already, these people from the 8th Infantry Division. It was not at the dalawan, though, where I was ushered to “receive” them, but in the slightly more spacious and almost empty multi-purpose hall. I remember there was an electric stand fan in the hall that ran at full speed during both times, but the prop was miserably of no use against the thick ere of militarist conceit that my unexpected guests had brought along with them. By some feat, however, of militant and punk courage, I had managed – and this is a rather priceless consolation given the circumstances – to actually make those scenes mutually suffocating. I’m inclined to reserve the details of this story for another blog entry, but there’s another gist – aside from the strongly insinuated warning that they were still pretty much in on me, these visiting mercenaries could offer me no other pasalubong.” (WELCOME VISITORS v.1 | Abril 17, 2011)

Pakikipagbuno sa Buryong

Para sa presong nakikipagtunggali sa lipunan, ang presuhan rin ay isang pakikipagtunggali sa sarili. Labas sa panahon ng dalaw, makakaunat ka lamang kung ika’y nakatoka rumonda o kaya ay magluto. Swerte na kung ika’y payagang magbasketbol at masinagan ng araw. Madalas, lilipas ang mga araw na wala kang ginagawa at para sa taong di sanay maging hindi produktibo, ito ay nakakapanlumo o kaya’y nakakabaliw. Sinusukat ng mga rehas ang iyong tibay ng loob.

Sa pagitan
ng naghilerang mga patak
ng ambon
ay sampaguita
kundi man dahon
ng sambong

sa pagitan
ng nakalugay sa gubat
na mga baging
ay mayro’ng kalaw
na kumakampay
sa hangin

at sa pagitan
ng mga alaala kong ito
ay nagpapakilala nang husto
ang ngayon

ngayon ay bumabagyo
at itong aking
puso ay lubog

ngayon sa mga mata ko
ay nakatabing
ang aking buhok

at ang usok ng sigarilyo
at pahina ng kalendaryo
haya’t tiyak na tumatakas
sa pagitan ng mga rehas

(Usok | Setyembre 13, 2012)

Nanatiling aparato ng kapangyarihan ang kulungan at inhustisya[12]. Sa pagpiit kay Acosta at sa sadyang kupad-pagong na pagdinig sa kanyang kaso, ipinagkait sa kanya ang pagkakataong makapagsilbi pa sana sa mga sektor ng mamamayang kinalimutan ng pamahalaan. Bagamat baon ang determinasyon, maging sa kulungan ay umaalagwa ang kanyang mga pangarap para sa bayan.

Sa tapat ng tarangkahan, nakatayo ang de-ripleng bantay
Sa ibabaw, bulagsak ang mga ulap palayo, ang buwan ay tangay.
Ang mga surot ay namumutakti gaya ng nagmamaniobrang mga tangke,
Humahanay sa mga iskwadron ang mga lamok at tila tora-torang umaatake.
Sanlibong milya ang nilalakbay ng aking puso patungo sa lupang tinubuan,
Nakasalabid sa kalungkutan ang aking parangap kagaya ng kumpol ng sanlibong himulmol.

Walang kasalanan, ako ngayon ay nakatagal ng isang buong taon sa bilangguan
Gamit ang luha bilang tinta, ginagawa kong tula ang mga laman ng aking isipan.

-Gabi ng Taglagas, salin sa tula ni Ho Chi Minh (Prison Diary) | Pebrero 20, 2012)-

Personal at Kolektibong Danas

Sa loob ng kulungan, ang tanging makakapitan ay sariling tibay ng loob. Samantala, ang panawagan ng paglaya ay patuloy na itinataguyod ng mga kaanak, kaibigan at kasamahan.

Sa harap ng pagdurusa, walang ibang nararapat (gawin) kundi ang magpakatatag at pagtindig sa patuloy na paglaban. Bihag man ng dahas at kawalang-katarungan ng estado, ako ay di lugmok, lupig at bigo. Hindi ko iniinda ang awa ng mga kaanak, kaibigan at kasama. Natural na bahagi lamang ito, gaya ng lungkot, galit o maging pangamba, ng pagmalas at pagdaranas sa isang kongkretong kaso ng inhustisya. Di ko ito inda laluna dahil alam kong mas nananaig sa bawat isa ang palabang diwa at ang pagnanais na makapagbahagi at makibahagi sa pag-asa ng paglaya.

            (Talá | Pebrero 13, 2012)

Noong Mayo 27, 2012 nag-organisa ang Free Ericson Acosta Campaign ng Lugawan, isang solidarity program at fundraising para sa Legal Defense Fund ni Acosta. Sa araw ding ito, unang binasa ang tula ni Acosta na isinulat niya para sa kanyang ika-40 kaarawan. Puno ito ng dalamhati ngunit madarama rito kung paano sa gitna ng kanyang siil na kalagayan ay patuloy na iniisip ni Acosta ang kalagayan ng mamamayan sa labas ng piitan. Puno din ito ng pag-asang balang araw ay makakamit ng mamamayan ang mithiing tunay na pagbabago.

I.
Kung nais ko ngayong
Kayo’y paiyakin
Agad kong babanggiting
May mga araw pa rin
Na ako’y nagigising
Nang maling-mali –

Limang kisap ng mata at kalahati
Kutob lamang ay dalamhati
Pagkat lahat ng iba pa
Ay sadyang lingid pa
Sa aking pakiwari:

Kung anong lunan ito eksakto
Ako ay bobo’t talunan;
Kung aling kwarto, kung ilang kanto
Bulag ako at bulaan.

Nakabitay ang bombilya
Sa kisameng kabelya
Ngunit di ako tiyak
Kung ito ba ay galak
O nag-aagaw-buhay;
O kung ang mga tanong ko’y tuwid pa
O tuwad na ang saysay:

Gaano kakapal ang agiw
At ang balat ng gagamba?
Sa kasilyas ng ipis
Gaano lamang ba kanipis
Ang hiyas ng silahis?

Nangagsalabid ang mga anino
At hindi ko masino
Ang mga mukha at lawas na katabi,
Hindi mapiho na s’ya nga pala kagabi

Ako ay natulog
Hindi sa liwasan
Hindi sa yakap ng irog
Hindi sa looban
Hindi sa ligid ng ilog
Hindi sa duyan at pandong ng anahaw
Hindi sa pusod ng Hurao o Banahaw.

Anupa’t sa dulo ng alimpungat
Sa bungad ng ulirat
Doon na lamang tatambad
Ang kwarto por otso metrong sukat
Ng kongkreto, bakal at kawad
Ng katotohanang ito –
Natulog ako
Sa sakal
Ng pasismo.

Kung nais ko kayong maiyak
Ikukuwento ko ang aking anak
At ang bigo naming pagkikita ngayong buwan
Pero saka na lamang
Mangyari’y ayaw n’yang
Sya’y pinag-uusapan.

II
Kung nais ko kayong magalit
Isusumbong ko sa inyo si Mabalasik
Noong Marso nang nagmamartsa na’t rumelyebo rito
Ang kanyang iskwad ng mersenaryo
Sinilip niya sa selda sa unang pagkakataon
Ang kanyang kalaboso.
Ganito ang drama ng tarantado:

Ikaw ba si Acosta?
Red Lolong pala, ha…
Ulol! Patpating mokong.
Wala akong pangalan, gago, hahaha.
Bakit mamamatay ka ba kung di mo malaman
Kung 87IB kami o 34th o 14th?
Daldal mo rin ano…
Bobo, hindi Mabalasik ang pangalan ko;
Bansag yan ng yunit
Kaya nasa t-shirt, tanga.

V
Pero ang talagang nais ko
Ay magpalakpakan kayo.
Ganyan po. ‘Yung malakas.
Ganyan nga, mas malakas
Sige na, hiyawan
Sige pa, indakan.
Ganyan lang ba ang palakpak?
Wala bang halakhak?
Eh sipol? Padyak?
Talon! Talon!

Salamat, praktis ‘yan
Tandaan n’yo
Para sa araw ng paglaya ko
At ng lahat ng bilanggong makabayan.

At huwag n’yong kakalimutan
Ang ginawa ninyong ‘yan
Milyong ulit kumpara d’yan
Ang sigabo at rubdob
Ang kwitis at pasabog
Sa oras na malubos
Ang pambansang kalayaan.
Magwawagi tayo sa digma, tiyak ‘yon.

(Walang Pamagat. Isinulat ilang araw bago ang kanyang ika-40 kaarawan | Mayo 27, 2012)

Sa Marxsismong kasaysayan, ilang beses nang napatunayang ang pagbilanggo sa mga aktibista ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng kanilang pananahimik bagamat ito ang layunin ng pagpinid ng estado sa mga nagpatuloy sa adhika ng pambansa demokratikong kilusan ng paglaya at panlipunang pagbabago. [13] Mula sa mga tula, liham at tala ni Acosta sa piitan, muling napapatunayan na ang pagkulong sa mga aktibista ay pagtutol pa rin. Ang kalembang at kalampag ay nagagagawa sa loob at labas ng piitan upang balang araw ay maririnig ang musika ng masigabong palakpakan ng kalayaan. Minsan pang nagtagumpay ang bayan sa pagpapalaya sa Tagaytay 5 at Morong 43. Sa patuloy na pananalinghaga kasabay ng kampanyang bayan, mapapalaya rin si Acosta at ang iba pang detenidong politikal.#


[1] Inilathala sa internet sa pamamahala ng Free Ericson Acosta Campaign. Ang unang tala nito ay “Prison Sessions: Unplugged, Unrehearsed… Under Detention”, Abril 19, 2011.

[2] Pasintabi kay Francisco Balagtas sa kanyang Florante at Laura: “Sa loob at labas ng bayan kong sawi…”

[4] Kilalang “Butcher” o berdugo ng Timog Katgalugan, Gitnang Luzon at Kabisayaan sa panahon ng panunungkulan ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Nahirang sa kongreso at kasalukuyang nagtatago mula sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao.

[5] Tumutukoy sa Karapatan Alliance for the Advancement of Human Rights (Pambansang Alyansa para sa Pagtaguyod ng Karapatang Pantao).

[6] Tumutukoy sa Katungod-Sinirangan Bisayas, lokal na sanga ng organisasyong Karapatan.

[7] Acosta, Ericson. Mula sa “Isang Pagsipat sa Sitwasyon ng Karapatang Pantao sa Silangang Kabisayaan”.

[8] Tingnan ang pahayag ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ni Pang. Aquino sa “We have no political prisoners”, Philippine Daily Inquirer, Oktubre 8, 2011.

[9] Mula sa huling datos noong Hunyo 30, 2012. Tingnan ang KARAPATAN Monitor Abril-Hunyo 2012, inilathala ng KARAPATAN Alliance for the Advancement of People’s Rights.

[10] Mula sa Counter-Affidavit ni Acosta, Abril 11, 2011.

[11] Pazzibugan, Dona. “Another communist rebel leader nabbed—Army,” Philippine Daily Inquirer Breaking News – Regions, Pebrero 17, 2011.

[12] Foucault, Michel. From Discipline and Punish: The Birth of the Prison (NY: Vintage Books 1995).

[13] Karl Marx hinggil sa Pasismo, Kapangyarihan at Kapitalismo.

Advertisements

About Joanna Lerio

cultural journalist, multidisciplinary artist, educator, traveller, dreamer, yogini, vegetarian, advocate Facebook.com/JoannaLerioOfficial Youtube.com/juanalily Juanalily.wordpress.com/ Juanalilytravels.dreamtrips.com/refer Twitter.com/JoannaLerio Facebook.com/linanganng.kulturangpilipino Artistswelfare.org/join-us/
This entry was posted in Tula and tagged , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

One Response to Free Ericson Acosta: Kalampag at Kalembang ng Bakal na Dibdib

  1. Pingback: Bakbakin ang Selda, Kalampagin ang Madla, Kalagin ang Tanikala: Artists Break the Chains | ISLANG MALAYA

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s