Pitong Sundang: Ang Magsasaka Bilang Napapanahong Bida


icon mula sa Tanghal 7 Facebook Page

icon mula sa Tanghal 7 Facebook Page

Review of Pitong Sundang Tanghal 7 Entry

Buong malay na isinatauhan ang konspetong ito sa Pitong Sundang: Sayaw sa Lupa at Pakikibaka, isang sayaw-dulang produksyon ng pangkulturang organisasyong SINAGBAYAN (Sining na Naglilingkod sa Bayan) kung saan tampok ang tula nina Ericson Acosta at Alan Jazmines.

Sa open forum na ginanap matapos ang pambungad na pagtatanghal nito sa Tanghal 7 NCR National University Theater Festival, isa sa mga tanong mula sa manunood ay kung bakit pinili ng organisasyon ang magpalabas tungkol sa lupa samantalang iba na ang panahon ngayon at moderno na ang pamumuhay.

Sa kabataang ang nakagisnang Pilipinas ay Metro Manila lamang at ang nagpahele sa kanya ay liwaliw ng mundong birtuwal at reality tv, mauunawaang ang kanyang kamulatan ay pinapalabo ng mga salik na ito. Tila napapariwara ang kanyang mahalagang koneksyon sa sektor ng lipunang nagbubungkal ng lupa upang sa huli ay mayroon siyang maihaing kanin sa hapag na pagsasaluhan ng kanilang pamilya.

Ang partikular na aspetong ito ay hindi pinalawig sa palabas ngunit ang internal na tunggalian sa isang indibidwal ang siyang nagbigay-hubog sa dula bilang isang paglalakbay ng pagkatuto, pag-unawa at pagkilos.

Sa prologo, ipinakilala ang tauhang Estudyante bilang komportable sa kanyang materyal na espasyo kasama ng kanyang headphone at musika ng klasikong ballet. Pana-panahon, ang kanyang pagsasayaw ay binabasag ng kung anong ingay gaya ng paglikas, tortyur, welga at masaker: mga aktuwal na sound bites mula sa kaganapan sa Hacienda Luisita sa Tarlac ng angkang Cojuangco, Hacienda Looc sa Batangas at Bondoc Peninsula sa Quezon (sound at areglo ni Mark Estandarte). Sa lumaon, ang ingay ay naging aktuwal na imahen: may dalawang Magsasakang kinamkaman ng lupa at nag-iwan ng simbolikong aklat sa Estudyante; may dalawang Taong nakalabas ang bituka bilang ekspresyon ng kagutuman sa mungkahing props na duguang plato sa tiyan; may mga Tauhang lumabas mula sa screen: paulit-ulit na tinatambangan ngunit paulit-ulit ring bumabangon; at may pinagsanib na Pwersa ng Mamamayan upang matanggal ang headphone bilang literal na instrumentong sanhi ng pagkabingi ng Estudyante o kawalan ng kanyang muwang sa paligid.

Nakikipagbunó ang Estudyante sa mga bulabog ng kanyang kukote sa puntong nais niyang warakin ang kanyang utak at puso. Sa tulong ng ibang Mananayaw, nabuksan ang kanyang malay hinggil sa isang realidad ng lipunang Pilipino: ang agrabyadong kalagayan ng mga magsasaka at ang kilusan upang mabago ito. Sa unang pagkakataon ay buo ang loob na pinagmasdan niya ang isang umaga sa buhay ng magsasaka mula sa screen na tumutuhog sa entablado sa pagpasok ng isang Magsasakang nakapulupot sa tali, representasyon ng pagkatali ng kanyang uri sa bulok na sistema. Kung saan nagsimula ang tali ang siyang tinahak ng Estudyante.

Sa surreal na direksyon ni Edwin Quinsayas, maging sa kontemporaryong koryograpiya katuwang sina Lorelie Bulan at Ekis Gimenez, ang mga sumunod na eksena ay repleksyon ng lupa sa iba’t iba nitong anyo. Una, ang lupa bilang pagkakakilanlan ng mamamayan. Ikalawa, ang lupa bilang gamit sa pagsasamantala ng mga naghaharing-uri. Ikatlo, ang lupa bilang puno’t dulo ng pakikibaka.

Ang historikal na konteksto nito ay natunghayan sa interpretasyon ng Kung Nagsasalita ang Lupa (tulang popular sa dulansangan noong 1980). Sa tatlong bahaging sayaw, binanghay ang kasaysayan ng magsasaka bilang pagsilang ng alipin mula sa pyudal na panahon bago ang kolonyalismo hanggang sa panahon ng sistemang enkomyenda at sistemang asyenda. Sa galaw ng palay, ang mga tauhang Magsasaka ay sumisibol, tumutubo, nagluluntian, nagmamala-ginto, namamatay at sumisibol muli sa lupang tila isang kumonoy. Sa presensya ng mga karakter na Balang, Kuhol at Daga (maskara ni Rowena Bayon at disenyo ng kasuotan ni Iggy Rodriguez), ipinahiwatig ang konkretong dahilan ng paghihirap ng mga Magsasaka.

Ibayong ipinakilala ang tatlong peste ng sakahan sa piyesang Sagrada Pamilya (tula ni Reuel Aguila, awit-pasyon/pagbigkas nina Gold Villar, Raquel de Loyola at Ronalyn Olea). Sa imahen ng Holy Family at ng simbahang Katolikong naghihintay ng tributo, ang mga anakpawis ay hindi nakinabang nang lubos sa kanilang ani. Katunayan, sila itong walang makain. Malinaw na ang tatlong karakter ay may mahigpit na relasyon gaya ng kutsabahan sa totoong buhay ng panginoong maylupa, mambabatas at korporasyong multinasyunal sa pagpapainog ng ekonomiya at politika ng isang baryo, munisipyo, lungsod at bansa. Sa disenyo ni Rodriguez, sadyang nakabihis-USA Liberty ang Balang upang patingkarin ang papel ng patuloy na pangingialam at pagpapahirap ng imperyong US sa Pilipinas sa paraan ng importasyon ng produktong agrikultural at pagmaniobra ng pandaigdigang pamilihan sa pamamagitan ng polisiya at di-pantay na mga kasunduan gaya nang sa World Trade Organization (WTO).

Ang sayaw Pyudalismo sa saliw ng mala-musikang unggoy ay laro sa mga salitang lupa, upa, buwis, kulang, wala, kamkam, usura at alila (shadow ni Rowena Bayon at video effects ni Jewel Maranan). Samantala, sa entablado, ang laro ay batay sa naaangking teritoryo sa pagitan ng Magsasaka at ng Daga. Dinidiin ng eksena ang mga manipestasyon ng pag-iral ng pagsasamantala sa araw-araw na buhay ng Magsasaka mula sa panloloko sa presyuhan ng mga may-ari ng timbangan at bangko, monopolyo sa binhi at uri ng palay o pananim, panlilinlang ng CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program) sa pamamahagi ng lupa, pagbibigay ng serbisyo sa asyendero nang walang sahod, pocket demolition at tuluyang pagpapalayas upang bigyang-daan ang mga golf course, subdivision at cheap-labor factory zones.

Tampok naman sa piyesang Dam ang karanasan ng mga Magsasakang Pambansang Minorya mula Hilagang Luzon hanggang Mindanao sa pagharap sa tinatawag na agresibong pangkaunlarang proyekto gaya ng pagtatayo ng higanteng dam at minahan. Ang kanilang sakahan sa mga bundok at lupaing sakop ng lupang ninuno ay inaagaw ng mga dayuhang korporasyon gaya ng BHP Billiton, Anglo-American, Phelps Dodge (US), Sumitomo, Lafayette, OceanaGold at Xstrata (UK). Sa ngalan ng kitá, nasisira ang natural na daloy ng tubig habang nabubulabog ang mga hayop at taniman ng mga katutubo. Gaya ng mga Magsasaka sa patag, ramdam nila ang kagutuman at pang-aalipusta samantalang sila ang mga tagapangalaga at tagabantay ng mayamang kalikasan.

Kaakibat ng agresyon ay militarisasyon sa mga nayon. Habang binibigkas ang Talá (tula ni Ericson Acosta), ang galaw ng mga Militar ay sayaw ng tradisyon ng kanilang ka-machohan at lantay na brutalidad. Ligtas sila sa kaparusahan bilang kriminal sapagkat ang kanilang paglalasing at pagwawala, pagpatay sa mga inosenteng sibilyan, panununog ng kabahayan, pananakot at panggagahasa ay alinsunod naman sa utos ng pangulo ng bansang tumatayong Commander-in-Chief. Nakamaskara sila ng malaking ngiti bilang sila rin ang may higit na magarbong sahod, benepisyo at bahagi sa pambansang badyet.

Ang kasiyahang mabanaag sa mga Militar ay parikala sa tono ng tula at sa nararamdaman ng mga Magsasaka, maging ng mga pamilya at biktima ng paglabag sa karapataang pantao na sadyang hindi pinakita sa entablado. Makapangyarihan ang paggamit ng manikin na noong una’y sinuyo ng mga Militar at isinayaw tsaka kinulata, dinurog, ginahasa at inalay sa palutang na kontra-insuheresyong Oplan Bayanihan na isponsor ni Pang. Benigno Cojuangco Aquino III. Ang pagsaludo ng mga Militar ay nagsilbi ring hudyat para sa paniningil ng hustisya ng mga Magsasaka.

Ang akto ng paniningil ay di basta-basta. Rikisitos nito ang matatag na kalooban at pagpasya. Sa panaginip, natagpuan ng Estudyante ang kanyang sarili. Bukod-tangi ang piyesang Maliit at Malaking Piitan (tula ni Alan Jazminez) dahil binigkas ito nang live. Gamit ang boses at texto bilang musika, dama ang makatotohanang emosyon at karanasan laluna’t isa sa mga aktor (Jane Balleta) ay dating detenidong politikal kabilang sa Morong 43, mga manggagawang pangkalusugan na pinatawan ng gawa-gawang kaso at ikinulong ng halos isang taon noong 2011.

Tinukoy ng tula ang kulungang selda at kulungang lipunan. Malakas ang dating ng mga imahen sa galaw ng dilaw na unan katapat ng inodorong puno ng dilaw na taeng bulaklak. Nais ipadama ng sayaw ang nagaganap na pagtatalong-isip at saloobin ng isang indibidwal. Samantala, ang inodoro ay pang-uuyam sa pananakip-butas, pagpapabango ng pangalan o kaya ay pagmamaangmaangan ng gobyerno hinggil sa nakakaalarmang kalagayan ng karapatang pantao sa bansa.

Pinatay ng bantay ng piitan ang Estudyante at sa puntong ito, ang kabataan ay nagising.

Napagtanto niyang totoong may Militar sa kanyang harapan at nais siya nitong pagsamantalahan. Pumukaw ng kakaibang kapanatagan at pagtilapon ng palakpakan ang pagpasok sa eksena ng bulto ng mga Magsasakang may sukbit na sundang. Ang pagpihit sa disenyo ng ilaw ni Katch Catoy ay sadyang nagdagdag sa paglikha ng suspens at tensyon.

Ang Paglipad ay Nakatuon sa Lupa habang ang Pagtarak ay Nakatutok sa Langit

Sa saliw ng nakakaindak na musika, ang Gabud (Acosta) ay sayaw ng paghahasa ng sundang at paghahanda ng sarili para sa paglaban. Ito rin ay pagpapalakas ng hanay upang harapin ang pesteng sagrada pamilya. Sa piyesang ito, ang Estudyante ay tumangan ng sundang bilang pakikiisa sa laban ng Magsasaka. Mula sa pagiging kasangkapan ng produksyon, ang sundang ay natransporma bilang armas sa paghahasik ng bukang-liwayway para sa ordinaryong mamamayan. Tagumpay ang tema ng musikang likha ng bandang Talahib para sa produksyon.

Sa gitna ng piyesa ay ang pagpalabas ng animation (likha ni Rj Malaya) ng masaganang ani at malayang lipunan, isang biswal na pagpapakita ng mithiin ng mamamayan sa katuparan at paggigiit halimbawa ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB o House Bill 3059) na inihapag ng Anakpawis Partylist sa kongreso noong 2009. Ang pag-asang nais ibahagi ng dula ay hindi lamang para sa mga Magsasaka kundi para sa pinagsasamantalahang Pilipinong kabilang sa 99 porsyentong bahagi ng tatsulok.

Tumpak lamang ang pagpili ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa produksyong Pitong Sundang bilang bahagi ng Tanghal 7 Festival mula Pebrero 18 – 20 na ginanap sa PUP Sta. Mesa Bulwagang Balagtas at may temang imadyinICON: Mga Imahen Ng Harayang Filipino.

Mula sa pagtatanghal ng tatlong tula ni Acosta bilang bahagi ng Poldet: Panata sa Kalayaan ng mga Detenido Pulitikal (produksyon ng Free Ericson Acosta Campaign at Alay Sining; direksyon ni Donna Dacuno at panulat ni Kerima Tariman) noong Setyembre at Disyembre 2011, ipinanganak ang Pitong Sundang bilang isang sayaw-dulang may sariling naratibo. Matapos ang pasinaya ng mga sayaw sa Hongkong Baptist University noong 2011, itinanghal ang dula sa Unibersidad ng Pilipinas Media Center noong Pebrero 2012 sa direksyon ni Roselle Pineda. Muli itong itinanghal noong Nobyembre/Disyembre 2012 sa Unibersidad ng Pilipinas Bulwagang Tandang Sora at PUP Sta. Mesa Bulwagang Balagtas sa bagong konsepto ni Quinsayas.

Ang pag-unlad ng dula ay patuloy na pagtugon ng SINAGBAYAN higit pa sa panawagan ni Acosta noong nasa piitan siya: ang mabuo ang kanyang koleksyon ng tulang napasakamay ng mga militar na humuli sa kanya at nagnakaw ng kanyang laptop. Si Acosta ay makatang nakipag-aralan sa mga komunidad ng magsasaka. Iligal siyang ikinulong sa Samar sa loob ng dalawang taon. Ngayong siya ay malaya na gawa ng masikhay na paglaban ng iba’t ibang sektor na naniniwala sa demokrasya at kasarinlan, hindi nangahulugang hindi na uso ang paksa ng dula.

Manipestasyon nito ang realidad ng kagutuman at kahirapan, migrasyon sa loob at labas ng bansa at ang patuloy na pagkakulong ng mahigit 300 detenidong politikal kasama na dito si Alan Jazmines. Patuloy rin ang pag-iral ng sistemang asyenda at dislokasyon sa mga magsasaka at katutubo.

Hangga’t hindi nawawasak ang mga ugat ng problema ng bayan, palaging napapanahon ang pagtatanghal hinggil sa lupa, maging ang paghirang sa mga magsasaka bilang bidang kontrabida ng mga pesteng nagpapasasa sa yaman ng bansa.

May isa pang bida sa dula: ang Estudyanteng kumatawan sa manunood na ang damdamin ay naantig at ang isipan ay lumawig.

Upang maitanghal ang Pitong Sundang sa inyong paaralan o komunidad, makipag-ugnayan kay Gold Villar sa email sinagbayan.national@gmail.com o facebook https://www.facebook.com/7sundang

Related Articles

Advertisements

About Joanna Lerio

cultural journalist, multidisciplinary artist, educator, traveller, dreamer, yogini, vegetarian, advocate Facebook.com/JoannaLerioOfficial Youtube.com/juanalily Juanalily.wordpress.com/ Juanalilytravels.dreamtrips.com/refer Twitter.com/JoannaLerio Facebook.com/linanganng.kulturangpilipino Artistswelfare.org/join-us/
This entry was posted in Rebyu, Teatro and tagged , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

3 Responses to Pitong Sundang: Ang Magsasaka Bilang Napapanahong Bida

  1. Pingback: Pitong Sundang, a Tribute to Andres and the New Supremos | ISLANG MALAYA

  2. Pingback: SINAGBAYAN Restages Pitong Sundang | ISLANG MALAYA

  3. Pingback: Rebyu ng Ang Baldado ng Isla Palasan: Kanser sa Kukote ng Kolonya | ISLANG MALAYA

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s