Rebyu ng Ang Baldado ng Isla Palasan: Kanser sa Kukote ng Kolonya


???????????????????????????????

Adaptasyon ni Joshua So ng dulang The Cripple of Inishmaan ni Martin McDonagh
Direksyon ni Tess Jamias
Recital ng Philippine High School for the Arts (PHSA) / Produksyong Sipatlawin sa Tanghalang Batute, Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP): Marso 10, 12 at 13, 2013

 

Mahusay lumikha ng katotohanan ang pelikulang sadyang ginawa upang lumikha ng artipisyal na diwa. Malakas makagayuma ang balitang sadyang niluto upang labis na ibulid sa paniniwalang tuwad ang mga walang kamuwangmuwang na gutom sa balita. Nanunuot sa kultura at pagkataong Pilipino ang ilusyon sa karangyaan ng demokrasya at buhay na handog ng ‘Merika.

Ito ang kalakaran ng panahon sa nayon ni Bertong Baldado (Joshua Serafin) sa dulang Ang Baldado ng Isla Palasan. Uminog ang kanyang kapirasong nayon at buhay sa yugto ng panimulang Amerikanisasyon ng Pilipinas kung kailan dumagsa ang mga pelikulang ‘Merika, gawa ng ‘Merika at para sa ‘Merika. Bitbit ng industriya ang aliw at pabuya ng pangalan, karangyaan at kapangyarihan sa sinumang kalahok at kusang pumasok dito.

Masasabing kabilang si Bertong Baldado sa mga indibidwal na Pilipinong nasilaw sa aparato ng kolonyalisasyon. Sa isang banda, maituturing na sa kanyang dalisay na malay, ang pinilakang tabing ay isang dambuhalang espasyo kung saan maaaring maging malaya ang mga Pilipino, magkaroon ng sariling identidad at tuluyang maitanghal bilang taong may dignidad.

Hindi nakapagtataka kung nagawa nitong mapaniwala si Hernan Hernando (Bryan Dilla / Ian Santos) na mayroon na diumanong taning ang kanyang buhay bilang komplikasyon ng TB at tuloy pagbigyan ang tangi niyang hiling na makarating sa bayan. Ang pagliyag na ito ang pangunahing hakbang upang makatawid sa kabilang ibayo at matamasa ang mga pangako ng Hellywood. Suwabe ang paglikha ng dahilan at katuturan ni Bertong Baldado sa tradisyon ng komersyalisadong emotional appeal. Dagdag sa patunay na liham mula kay Dr. Enriquez (Carlo Gutierrez), nahulog ang loob ni Hernan Hernando dahil ang kanyang asawang si Maria ay yumao gawa ng TB.

Ang paglisan ni Bertong Baldado ay labis na ikinalungkot ng kanyang Tiya Doleng (Blanche Buhia) at Tiya Lita (Christine Bas) na pawang kumopkop at nag-aruga sa kanya. Mahusay ang pagsatauhan ng pangnungulila ng dalawang aktor kung saan ang isang gabi ay naging tatlong linggong naging tatlong buwang naging tatlong taong di na umuwi ang Bertong Baldado.

Ang sitwasyong ito ay labis na pinagkakakitaan ni Magdabatubalani (Gracielle So / Kitty Valdez) bilang “taengang may talas sa karahasan” at bibig na nangunguna sa talastasan. May kapalit na itlog o gulay ang bawat balitang kanyang hinahatid. Totoo man ang balita o hindi ay sadyang tinuturing na totoo sapagkat tanging si Magdabatubalani lamang ang may pakpak para sa balita ng nayon.

Binuyangyang ng karakter ni Magdabatubalani ang halaga ng bawat detalyeng tinatago, pinapalitan, pinapaliit o pinapalaki sa paghubog ng paniniwala at palagay ng mamamayang tumatangkilik sa kanya bilang diyosa ng pangmadlang komunikasyon. May maka-uring pagkiling si Magdabatubalani. Kakikitaan siya ng sensibilidad ng maka-baryo at maka-Pilipino kumpara sa pagiging maka-dayuhan. Mahusay siyang magtimpla ng balita, lumikha ng pananabik at magdulot ng ligalig sa ikabubuti ng isla. Ngunit sawi siya kay Bertong Baldado. Ang paglihim niya sa totoong kuwento hinggil sa pagkamatay ng mga magulang nito ay lalu lamang nagtulak sa walang humpay na paghahanap ng tunay na katauhan ng batang lumaking iika-ika at uhaw sa pagmamahal.

Maliit lamang ang naging papel sa dula ni Dr. Enriquez ngunit bilang doktor ng bayan ay representasyon siya ng siyentipikong pag-iisip. Bagamat hindi siya naging agresibo sa pagsiwalat na wala siyang binigay na diagnosis ng malalang sakit kay Bertong Baldado, nagkaroon ng pangalan ang dalawang tipo ng sakit na talamak sa kanilang nayon. Una ay ang katandaan at paglalasing sa tauhan ng kanyang pasyenteng si Nay Yumol (Alyssa Herrera / Bianca Mauricio) na ina ni Magdabatubalani. Ikalawa, ang sakit-sakitang higit na nakamamatay kaysa TB, polio, disentris at tumor sa utak.

Ang sakita-sakitan ay isang tipo ng kanser na tumutupok sa isip at puso ng gaya ni Bertong Baldado. Hindi sinabi ng doktor ngunit ang kanser na ito ay may lunas o kaya ay maaari pang maagapan.

Nakakaantig sa makabayang diwa ang pagbukas ng ikalawang bahagi ng dula. Nilaro sa role-playing ng magkapatid na Bessy (Krystle Valentino) at Jaime (Rafael Tibayan) ang tauhan ng Pilipinas at ‘Merika. Inako ni Bessy ang papel ng ‘Merika na marahas na nambabasag ng itlog sa ulo ni Jaime bilang Pilipinas. Sa direksyon ni Tess Jamias, literal na ipinakita ang metapora ng pang-aalipusta at pang-aalipin. Literal din nitong pinakita na ang edukasyong alay ng mananakop sa mga katutubo ay isang marahas na proseso.

Nakakatuwa ang eksena habang kinakatok ang kukote ng mga manunuod na tunghayan ngunit huwag lamang pabayaan ang nagaganap na kamalian sa bayan.

Sa kabilang banda, makikita si Bertong Baldado sa malalang kalagayan: maysakit at nag-iisa. Sa kanyang monologo at malikhaing galaw, pinahayag niya ang pait ng lahing di tanggap sa mundong kanyang sinuong. Pagod na siya sa paglalakbay. Rupok na ang kanyang puso. Nais niya ngayong madarama ang halik ng isang taong hindi tinitingnan ang kanyang kapansanan.

Kinumpirma ng sumunod na paborito kong eksena ang sawi niyang kalagayan. Sa unang pagkakataon, ang lahat ng tauhan sa isla ay magkasama. Nagtagpo sila sa sinehan at umaasang makita ang kanilang si Bertong Baldado sa pelikulang American Salvation: The Fighting Epic of America’s First Guerilla Fighters. Unti-unting lumilinaw sa kanila na di kailanman bida ang Pilipino sa pelikula at kung hindi punto ng katatawanan, malabong singtikas ng mga sundalong Amerikano ang papel ni Bertong Baldado.

Matingkad ang matalas, maanghang at makakabasag-bungong mga pananalita ni Bessy bilang karakter na may higit na katinuan hinggil sa di pantay na kalagayan. Samantala, umulan ng pang-uuyam mula sa taga-isla bilang malayang pahayag ng kanilang saloobin sa napanuod at repleksyon ng kanilang kolektibong pagkatuto: Bakit Pilipino lang ang namamatay? Di ba sila (Pilipino) papatay ng Kano? We beg you, Joe. Please … Patay na Pilipino… Wala na.

Sa Isla Palanan, hindi nagtagumpay ang pelikula upang tuluyang maligo sa ihi ng Amerika. Ang resolusyon naman para kay Bertong Baldado bilang indibidwal ay pag-uwi sa kanyang bayang iniwan at aminin ang kanyang kamalian kahit pa hatawan siya ni Hernan Hernando dahil sa ginawa niyang panloko dito hinggil sa kanyang sakit. Ito rin ay pagkakataon upang matapang na harapin ang kanyang nakaraan. Ilang beses na hinugot mula kay Magdabatumbalani bago lumabas ang pinaka-totoo sa mga bersyong salaysay hinggil sa kanyang mga magulang at sa dahilan ng kanyang pagkapilay.

Masakit ang katotohanan. Mas madali kung tumakas na lamang, lumimot o kaya ay magpakamatay gamit ang parehong sako ng kamatayan ng mga magulang ngunit isa sa natutunan ni Berto kay Bessy ay ang maging matapang. Ang kanyang pagiging malupit na babae ay palabas-anyo lamang at estratehiya upang di maliitin (ng mga mga lalaki at ng mga Kano). Ang kanyang lambing ay kakitaan sa pagregalo ng teleskopyo kay Jaime. Materyal ito ng pagkaroon ng malawak ay malayong pagtanaw gayundin ng optimistikong paghahangad.

Natagpuan ni Berto ang kanyang pag-ibig kay Bessy habang naunawaan nitong walang saysay ang kanyang paghahanap ng yakap ng magulang dahil sa buong pagkakataon, napunan ito ng kanyang dalawang Tiyang labis-labis kung mag-alala kahit di niya direktang ka-dugo.

Sa kabuuan, tinahak ng dula ang paglalakbay ng isang indibidwal sa baryo sa paghahanap ng kanyang sarili at puwang sa kuwento ng buhay. Ito rin ay paglingon sa pinanggalingan bilang puno’t dulo ng paroroonan at kalayaan. Sa pagguho ng ilusyon ni Berto ay isinilang ang bagong tao.

May Berto at Bessy sa bawat Pilipino ng kasaysayan

Higit sa pagiging magandang piyesa para sa pag-arteng mahusay na ginampanan ng mga batang iskolar ng PHSA, ang dula ay halimbawa ng obrang mahahanay sa post-kolonyal sa pagtalakay ng kolonyalismo sa kasalukuyang panahon. Mauunawang ang ganitong klase ng dula at natural na paraan ng pagpapalabas ay hindi pasado sa panlasa ng gobyernong Amerika sa panahon ng pananakop.

Sa isang senaryo, papayagan kaya ng gobyernong Amerika kung ang dula ay ilalabas ng CCP at itanghal sa harap ng Embahada ng Estados Unidos?

Ang tanong na ito ay nagmula sa realidad ng lantarang pakikialam ngayon ng US sa mga patakarang pampolitika, pang-ekonomiya at pangseguridad ng bansa. Sa sarili nating bakod, ipinagbabawal ng Amerika ang pagtatanghal ng mga protesta gaya ng laban sa arogansya ng panghimasok nito sa Tubbataha at laban sa paglabag ng karapatang pantao dulot ng ehersisyong Balikatan sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA). Binuhay din nito ang Batas laban sa ritwal ng pagsunog ng Star-Spanggled Banner bilang pagsupil sa panggigiit ng Pilipino sa pambansang patrimonya at soberanya.

Sa harap ng mga batas ng panunupil, ang mga dulang tinuring ng Amerikano bilang sedisyoso ay nakalusot lamang sa kilatis ng naghahari sa paggamit nito ng simbolikong tauhan, diyalogo at aksyon. Sa kabila nito, di naman ligtas sa pagkakulong ang mga manunulat, direktor, aktor at manunood ng produksyon.

Sa isang aspeto, binuhay ng dulang Ang Baldado ng Isla Palasan ang mga palabang dula ng ika-20 siglo na nakipagitgitan sa harap ng dahas sa ngalan ng makatarungang paninindigan para sa kalayaan: ang Luhang Tagalog at Kahapon, Ngayon at Bukas (Aurelio Tolentino); Tanikalang Ginto (Juan Abad), Malaya (Tomas Remigio), Hindi Aco Patay (Juan Matapang Cruz), Pulong Pinag Lahuan (Mariano Martinez), Magdapio (Pedro Paterno), Ang Kalayaan Hindi Natupad at Dahas na Pilak (anonymous), Ang Katipunan (Gabriel Beato Francisco) at ang Ave de Rapiña/Ibong Manlulupig (Pantaleon Lopez).#

Related Articles

Advertisements

About Joanna Lerio

cultural journalist, multidisciplinary artist, educator, traveller, dreamer, yogini, vegetarian, advocate Facebook.com/JoannaLerioOfficial Youtube.com/juanalily Juanalily.wordpress.com/ Juanalilytravels.dreamtrips.com/refer Twitter.com/JoannaLerio Facebook.com/linanganng.kulturangpilipino Artistswelfare.org/join-us/
This entry was posted in Rebyu, Teatro and tagged , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s