Mrs. B: Dula bilang Proseso ng Paghahanap at Hakbang sa Pagsasabatas ng Karapatan


Note: Ito ay bahagi ng aking panimulang borador na sinimulan noong nakaraang taon para sa isang pananaliksik hinggil sa mga pagtatanghal na tumatalakay ng karapatang pantao.

Pinky Amador as Mrs. B in the first staging at Ten02 Bar, Timog, Quezon City. Photo Concerned Artists of the Philippines file.

Pinky Amador as Mrs. B in the first staging at Ten02 Bar, Timog, Quezon City. Photo Jes Aznar.

“Ang pagkawala ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng absolutong katahimikan”.

Sa kontekstong may kaugnayan ito sa pampolitikang polisiya ng isang estado, taliwas ang pahayag na ito sa mismong layon ng pagpapatupad ng sapilitang pagkawala: ang mapatahimik ang isang aktibista o kaya ang mga benepisyaryo ng mga radikal na inisyatibang pangkomunidad, mga taong-simbahan, mga tagapagtaguyod ng karapatang-pantao at mga progresibong lingkod-bayan.

Tinalakay ng dulang Mrs. B ang isang kaso ng desaparesido sa kasalukyan. Produksyon ng Concerned Artists of the Philippines (2009/2010/2011), itinanghal ito sa iba’t ibang espasyo: sa bar, sa pribado at pampublikong hall, sa paaralan at sa plaza. Nagsalitan sina Pinky Amador, Gina Alajar, Bibeth Orteza at Malou de Guzman sa papel na Mrs. B para sa mga pagtatanghal sa Manila, Naga at Baguio.

Tampok sa dula ang monologo ng isang inang naghahanap sa kanyang anak na dinukot ng nakilalang ahente ng mga militar. Batay ito sa aktwal na karanasan ni Editha Burgos, ina ni Jonas Burgos na huling nakita noong Abril 28, 2007. Sa direksyon ni Soc Jose at panulat nina Rowena Festin, Grundy Constantino at Joi Barrios, itinanghal ito kaakibat ng kampanyang Ilitaw si Jonas Burgos (Surface Jonas Movement) at kaalinsabay ng pagdidinig ng kaso sa korte. Mula 2007, nakaipon ang kampanya ng mga ebidensya at pahayag ng mga testigong sa kabuuan ay tumutuon sa direktang pagkasangkot ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines.

Ang karakter ni Mrs. B ay maituturing na isang tipo ng testigong nakaranas sa masalimuot at masakit na proseso ng paghahanap. Mapangahas ang pagtatanghal na ito na bumabanggit kay Gen. Romeo Tolentino, Major Harry A. Baliaga Jr. at Gen. Jovito Palparan bilang may kinalaman sa kaso. Mapangahas dahil sa kawalan o kakulangan ng Witness Protection Law sa bansa. Mapangahas dahil bigating mga opisyales ng armadong pwersa ang kabangaan ni Mrs. B, isang babae at inang simple lamang ang pangarap: “ang mamuhay nang tahimik in the spirit of honesty, justice, sincerity, courtesy, fortitude and faith”. Mapangahas dahil sa antas pa lamang ng kongreso napirmahan ang House Bill 98 (An Act Defining and Penalizing Enforced or Involuntary Disappearance and For Other Purposes / Anti-Enforced / Anti-Involuntary Disappearance Bill), batas na nagtuturing sa sapilitang pagkawala bilang krimen at nagtutulak upang panagutin ang mga maysala.

Tumayo si Mrs. B nang walang ilusyong maging ang kanyang pagiging testigo ay hindi ligtas sa anumang resbak ng may mga pakana sa kanyang anak. Ngunit pinanday na siya ng karanasan mula pa noong panahon ng Batas Militar ng rehimeng Marcos. Batid niyang may nagmamanman sa kanya at niyakap na ng kanyang kamalayan ang pag-aaral din ng surveillance kaya’t nakabuo siya ng mga Rules kaugnay nito: mga praktikal na palatuntuning may silbi hindi lamang sa kanya kundi pati ng iba pang nanay at ka-anak ng mga biktima. Sa solidaridad na ito kumakapit ang mga magulang at ka-anak at nag-iipon ng lakas para sa patuloy na pag-asam na isang araw, makasama nila muli ang kanilang mahal sa buhay.

Sa pagitan ng pagluluto para sa Pasko ng Pagkabuhay, nanumbalik ang masasayang alaala ng kabataan ni Mrs. B; ang kanyang naunsyaming pagmamadre; ang kanyang una at huling pag-ibig; ang kanyang negosasyon sa ama at anak hinggil sa pagdalo sa mga rali; at ang huling Araw ng Pasko ng Pagkabuhay na nakasama si Jonas. Nakasanayan na nilang magpamilya ang magtipon sa ganitong okasyon. Sa pagkakataong ito, ang pamilya ni Mrs. B ay nagkaroon ng ekstensyon. Ang kanyang paghahanda ay nakatuon para sa meeting alyas pagtitipon ng Desaparecidos, organisasyon ng mga kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala.

Habang ang dulaan ay isang larangang hindi rin ligtas sa sensura batay sa kasaysayan, higit na kinakailangan ang pagmaksimisa dito upang magtanghal laban sa pananahimik at pag-iral ng paglabag sa karapatang pantao. Habang naitutulak ng pagtatanghal ang pagkamit ng katarungan, naitataguyod rin nito sa proseso ang pagkaroon ng mga batas na makakatulong sa mga kaanak upang makamit ang hustisya.#

Advertisements

About Joanna Lerio

cultural journalist, multidisciplinary artist, educator, traveller, dreamer, yogini, vegetarian, advocate Facebook.com/JoannaLerioOfficial Youtube.com/juanalily Juanalily.wordpress.com/ Juanalilytravels.dreamtrips.com/refer Twitter.com/JoannaLerio Facebook.com/linanganng.kulturangpilipino Artistswelfare.org/join-us/
This entry was posted in Advocacy, Teatro and tagged , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s